ISANG open qualifying competition na magdedetermina sa bubuo sa aquatics team na sasabak sa Cambodia 32nd Southeast Asian Games ang isasagawa sa February 18 at 19 sa New Clark City Aquatics Center sa Capas, Tarlac.
Ito ang inanunsiyo nitong Huwebes ng Stabilization Committee na inatasan ng World Aquatics (dating FINA) Bureau na pangasiwaan ang aquatics (swimming) sa bansa.
Ipinag-utos ng FINA, sa isang direktiba na may petsang December 3, 2022, ang paglikha sa Stabilization Committee para pamahalaan ang swimming sa bansa makaraang bawiin nito ang pagkilala sa Philippine Swimming Inc.
Ang Stabilization Committee ay binubuo nina POC legal head Atty. Wharton Chan at deputy secretary general Valeriano “Bones” Floro at Bases Conversion Development Authority senior vice president Arrey Perez.
“The Stabilization Committee will supervise and manage the qualifiers or tryouts which is open to all athletes, clubs and stakeholders,” ani Floro.
Sinabi ni Floro na ang qualifiers ay sa swimming, diving at water polo. Ang artistic swimming (synchronized) at open water swimming ay wala sa programa ng May 5-17 Cambodia SEA Games.
Idinagdag ni Floro na ang qualifiers ay isasagawa base sa swimming technical handbook na ipinagkaloob ng Cambodia SEA Games Organizing Committee.
Sa handbook, may kabuuang 20 events ang paglalabanan sa swimming, dalawa sa water polo (men and women) at individual 3-meter springboard and platform para sa men and women sa diving.
Ang swimming events para sa men and women ayfreestyle 50, 100, 200, 400, 800 at 1,500; backstroke 50, 100 at 200; breaststroke 50, 100 at 200; butterfly 50, 100 at 200; individual medley 200 at 400; at freestyle Relay 4×100 at 4×200.
May freestyle events din sa 800 meters for women at 1,500 for men, gayundin ang 4×100 meters medley relay for men, women at mixed team.