QUARANTINE AT TAMANG ISOLATION KAILANGANG PAIGTINGIN; COVID 19 RUMAGASA NA

Joe_take

NAKAPAGTALA ang bansa ng pinakamataas na kaso ng mga positibo nitong Linggo na umabot sa 28,707 magmula pa nang magsimula ang pandemya, dalawang taon na ang nakararaan.

Nakaaalarma ang sitwasyon sa bansa, subalit hindi tayo dapat mag-panic, bagkus magtulungan at sumunod sa mga patakaran ng pamahalaan para maiwasan pa ang lalong pagdami ng mga nagkakasakit dahil sa mabilis na hawaan na dulot ng bagong COVID variant na Omicron.

Maraming opisina ng gobyerno ngayon ang isinara muna dahil sa dami ng mga kawani nila na nagpositibo sa COVID-19.  Kasama sa naka-lockdown ngayon ang Senado, na may  46 tauhan na nagpositibo, kasama na ang iba pang 175 kawani na inilagay sa quarantine.

May mga nakatakda sanang pagdinig ang Senado sa linggong ito pero ipagpapaliban muna habang marami pa ang kaso ng COVID-19 sa mataas na kapulungan.

Isa sa mga itutuloy sana sa pagdinig sa Huwebes ay ang Pharmally case. Sa ngayon, nakadetine pa rin sa Senado ang magkapatid na Mohit at Twinkle Dargani, na diumano ay may mataas na posisyon sa Pharmally Corp., ang kompanya na sangkot sa anomalya ng pagbebenta ng mahal na presyo ng mga face mask at face shield sa gobyerno.

Dahil sa taas ng mga kaso ng COVID-19 sa Senado, mukhang nahawaan na si Twinkle. Sumulat at umapela na ang kanyang ina, si Deepa Chainani, sa presidente ng Senado na si Senator Tito Sotto, na sana’y bigyang awa ang kanyang anak na bukod sa positibo sa COVID ay mahina na ang katawan dahil sa sobrang pag-iisip sa pagkakakulong niya sa Senado.

Nasabit lang diumano si Twinkle sa mga maling gawain ng kanyang kapatid na si Mohit pero dahil may mataas siyang tungkulin sa Pharmally, idinamay siya at ipinakulong  ng blue ribbon committee na nag-iimbesitiga sa kaso.

Nitong Linggo, pinayagan na sana ang paglaya ni Twinkle para magpa-isolate upang hindi na lumala  pa ang kanyang COVID pero mukhang ‘di natuloy.

Isa raw ‘flight risk’ si Twinkle, ayon sa pinuno ng sergeant-at-arms (SAA) ng Senado kaya hindi maaaring palabasin. Ang tanong lang, flight risk kaya ang isang taong positibo ng COVID? Hindi kaya dapat health care facility ang nangangasiwa dito tulad ng maraming tinamaan ng COVID upang una’y  ‘di makahawa, pangalawa ‘di maging alanganin ang kalusugan.

Mukha yatang kailangang pag-aralan pa itong mabuti at isaalang-alang ang kalusugan ng nakadetine.

Batay sa nahuli ko sa isang komentaryo sa radyo, ilang ulit nang sinabi ni Twinkle sa pagdinig na isa lamang siyang biktima sa Pharmally case.  Ang nakatatandang kapatid na si Mohit ang nakipagtransaksiyon sa kanyang mga business partners na lingid sa kaalaman ng nakababatang kapatid.

Pinatawan ng contempt  ang magkapatid dahil diumano ay ayaw nilang umamin sa inaakusa sa kanila, pati na ang pagsusumite ng mga kaukulang dokumento ng Pharmally Corp. na may kaugnayan sa maanomalyang transaksiyon.

Hari nawa’y isaalanag-alang din ang sitwasyon ngayon ng COVID-19 at  papuntahin muna itong si Twinkle sa isang isolation facility o ospital kung may karamdaman na mabigat upang mabigyan ng tamang medikal na atensiyon at  masiguro ang pisikal na kalagayan.  Matapos niyon ay maaari na  itong idetine muli. Batay sa aking narinig sa mga ulat, nangako naman siyang hindi lalabas ng bansa at dadalo pa rin sa mga susunod na pagdinig para matapos ang kaso ng Pharmally.

Sa ngayon, una nating dapat tutukan ang COVID-19 maging ito man ay saang sangay ng institusyon. Test, isolate at vaccinate. Sa mga tinamaan, ilayo at dalhin sa isolation facility kung saan sila matututukan at kung malubha naman, ay dalhin na sa pagamutan.

Patuloy rin  tayong mag-ingat at sumunod sa mga safety protocols ng pamahalaan para maiwasan pa ang pagdami ng mga may sakit dahil sa  mabilis na pagkalat ng Omicron ­variant.