MULING nanawagan si Senador Nancy Binay na magkaroon ng quarantine marshals sa isolation facilities bunsod ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
“Increasingly, the need to ensure compliance is becoming more urgent. Mukhang hindi na sapat ang internal policing dahil patuloy pa rin ang quarantine violations na nababalita na mula pa sa simula,” ayon kay Binay.
Nauna nang nanawagan si Binay na magkaroon ng quarantine marshals sa isolation facilities matapos ang isyu ni flight attendant Christine Dacera na lumabag sa minimum health standards noon.
“I think sa halip na mag-deploy tayo ng pulis na magbabantay sa mga quarantine facilities, mas mainam na itong mga marshals na lang para mas holistic ang approach. Hindi lang nagbabantay sa mga potensyal na paglabag, kundi pro-active na ini-improve ang system lalo na sa aspeto ng public health,” aniya ng mambabatas.
Iminungkahi niya ang pag-tap sa mga barangay tanod at tulungan ng isang health officer, bilang marshals, kasama ang Inter-Agency Task Force (IATF) at Department of Tourism (DOT).
Dagdag pa niya, ang mga marshals ay may tungkulin ding mag-inspeksyon kung ang mga establisyimento ay may wastong mga hakbang sa pagtatapon ng basura.
“This is, again, a public health issue, and we need public health experts. At best, what we need is a hybrid approach that would respond to the public safety and law enforcement aspects. Pero hindi lang dapat pulis,” giit pa ng senador. LIZA SORIANO