INIUTOS ni Quezon City Mayor Herbert Bautista sa city engineering department na mag-inspeksiyon at tiyakin na hindi babahain ang lungsod ngayong nagsisimula na ang mga pag-ulan.
Kabilang sa pinasusuri ang retaining walls, ang mga baradong waterways at mga daluyan o drainage channels upang maiwasan ang mga pagbaha lalo na kung malakas ang pagbuhos ng ulan.
Sinabi naman ni City Engr. Joselito Cabungcal, na ang lungsod sa lahat ng local government units na handang-handa na laban sa mga pagbaha na resulta ng 17 waterways infrastructure projects na pinondohan ng lokal na pamahalaan, na idinesenyo para kontrahin ang posibleng flashfloods sakaling malalakas ang pagbuhos ng ulan.
Aniya pa, inaasahan nila na masisiyahan ang mga residente at publiko na nagagawi sa lungsod na magkaroon man ng pagtaas ng tubig ay minimal lamang .
Sa iniulat ni Cabungcal sa alkalde, ang proyekto umano ay nagkakahalaga ng P179.6 milyon na saklaw ang pagtatayo ng bagong retaining at mga konkretong kanal patungo sa San Francisco River, Kalamiong Creek, Anaran Creek, Pasong Tamo Creek at Roxas district.
May nakalaan din umanong P23.5-M para sa konstruksiyon ng reinforced concrete revetment wall (Phase 2) sa San Francisco River – Lorraine Street sa Parkway Village, Barangay Apolonio Samson; P15.4-M sa pagtatayo ng concrete retaining wall sa 8th Street, Barangay Mariana; P14.7-M sa reinforced concrete retaining wall sa Kalamiong Creek –Spring Valley (Phase 6) Barangay Bagong Silangan; P14.8-M sa concrete canal sa Anaran Creek (Phase 6) Barangay Phil-Am/West Triangle; P13.1-M sa pagtatayo ng concrete retaining wall sa creek patungo sa Marikina River, sa Barangay Libis at P12.02-M sa retaining wall sa creek sa Roxas District. NV
Comments are closed.