SA WAKAS, ‘di na mangangapa sa dilim ang ating health care workers (HCWs) tuwing may public health emergency — ‘di na magtatanong sa hangin kung mayroon ba silang matatanggap na allowance o ano pa man, dahil ganap nang batas ang ating panukalang pagbibigay ng permanenteng benepisyo sa ating HCWs tuwing tayo ay nasa krisis pangkalusugan.
Pinirmahan na po ni Pangulong Duterte ang Republic Act 11712 o ang Public Health Emergency Benefits and Allowances for Health Care Workers Act. Ito pong batas na ito ang magpapatunay na hindi kailanman pababayaan ng pamahalaan ang kapakanan ng ating health frontliners.
Bilang co-author po ng naturang batas, tiniyak po natin na ang allowances at iba pang benepisyo ng ating HCWs ay maibibigay sa kanila, hindi lamang ngayong panahon ng COVID-19 pandemic kundi maging sa mga ‘di inaasahang public health emergency na idedeklara ng Pangulo.
Ito po ang batas na magbabaklas sa lahat ng balakid sa pagkakaloob ng emergency allowances and benefits sa ating HCWs. Kung ang Bayanihan Laws po na nangalaga sa kanilang kapakanan ay napaso o nag-expire noong nakaraang taon, ito pong batas na ito ay laging handang tumulong sa kanila sa tuwing tayo ay nahaharap sa ganitong problema.
Ang materyal na tulong po para sa ating healthcare workers, sa totoo lang, napakaliit na bagay, kumpara sa napakalaking pakinabang na nakukuha natin sa kanila. Walang alinlangan ay sila ang mga buhay na bayani na handang isakripisyo ang sarili nilang buhay para sa ating kaligtasan.
Noong kasagsagan po ng COVID noong 2020, kung batid man ng lahat, isa po ang inyong lingkod sa mga tinamaan ng karamdamang ito. Nang tayo po ay maospital, doon natin personal na nakita ang hirap at sakripisyo ng ating magigiting na medical workers — health workers. Kitang-kita po natin ang kanilang pagpupursige kahit kapalit nun ay sarili nilang kalusugan. Sa puntong iyon, lalong tumibay ang ating kagustuhang maisulong ang tunay na tulong sa kanila sa mga ganitong pagkakataon.
Sa batas pong ito, ang lahat ng public at private health care at non-health care workers, anuman ang kanilang employment status ay sakop ng mga benepisyong nakapaloob dito tulad ng P3,000 monthly allowance para sa mga naka-deploy sa low risk areas; P6,000 para sa mga naka-detalye sa medium risk areas at P9,000 para sa mga nakadestino sa “high risk” areas. Makukuha po ng ating health workers ang nabanggit na mga halaga sa kanilang personal na pagre-report sa trabaho for at least 96 hours sa loob ng isang buwan.
Bukod sa monthly allowances, pinaglaanan din ng kaukulang kompensasyon ang HCWs na tatamaan ng COVID habang aktibong naka-duty. Para sa mild cases, sila ay pagkakalooban ng P15,000; P100,000 para sa severe o critical cases; at P1 milyon sa pamilya ng masasawing HCW
Ang mga non-medical worker naman at mga personalidad na contract of service at job order basis na naka-assign sa mga health facility at tulad ng healthworkers ay exposed din sa mga pasyente ng COVID ay tatanggap din ng katulad ng mga nabanggit na benepisyo.
Maging ang mga barangay health worker na kabilang sa BHW registry system ng DOH at naka-assign din sa mga health facility, swabbing at vaccination sites ay tatanggap din ng nasabing mga benepisyo dahil kinokonsidera din silang health workers at talaga namang exposed din sa panganib.
Dito po sa kasalukuyang national budget (2022 GAA), may kabuuang P51 bilyon ang inilaan sa COVID-19 risk allowance and compensation para sa ating healthcare workers.
At bago po ako matapos sa kolum na ito, pasasalmatan natin ang ating mga kasamahang senador na nakiisa sa atin sa pagsusulong ng batas na ito. Sila po ay sina Sens. Dick Gordon, Imee Marcos, Nancy Binay, Risa Hontiveros, Joel Villanueva, Migz Zubiri, Bong Go, Bato dela Rosa, Kiko Pangilinan, Win Gatchalian, Francis Tolentino, Grace Poe, Cynthia Villar, Pia Cayetano, Ralph Recto, Frank Drillon at siyempre, ang ating Senate President Tito Sotto. Lahat po sila, talagang nagbigay ng todong suporta matiyak lamang na susulong ang batas na ito para sa ating mga bayaning healthcare workers.