(Ramirez sa mga atleta) “GO FOR THE GOLDS”

William Ramirez

DALAWANG araw bago ang opening ceremonies ng 30th Southeast Asian Games, tinagubilinan ni Philippine Sports Commission Chairman William ‘Butch’ Ramirez ang mga atletang Pinoy na kunin ang overall championship para sa sambayanang Filipino.

“Go for the golds as if your life depended on them and an entire nation will be grateful,” wika ni Ramirez, chef de mission ng Team Philippines sa biennial meet.

“Let’s bring good news to everyone. We need it, all Filipinos need it.”

Sa paggasta ng P1 billion sa international training at exposure, equipment, foreign coaches, education at nutrition ng mga national athlete, ang PSC ay umaasa na magkakaroon ng return ang malaking investment nito sa pamamagitan ng matagumpay na kampanya hindi lamang sa SEA Games, kundi maging sa Tokyo Olympics sa 2020 at sa Hangzhou Asian Games.

“Government has been very supportive of our national athletes. And it’s high time that such support gets the results expected from the athletes’ all-out campaign in the SEA Games. We expect nothing less than a 100 percent effort from our national athletes in front of their fellow Filipinos, who I am very sure, will come out in droves to support them,” ani Ramirez.

Tulad ng inaasahan, ang Filipinas ay magpapasok ng pinakamala­king delegasyon sa SEA Games na nasa 1,115 athletes at 753 coaches at officials para sa kabuuang 1,868.

Nakataya ang 530 golds sa 56 sports na lalaruin sa 44 venues sa Metro Manila at Southern Luzon, Subic at New Clark City sa Capas, Tarlac.

Ang combat sports ang may pinakamaraming gold-medal projection,  kung saan ang arnis ay inaasahang magwawagi  ng 15 golds mula sa 20 events. May tig-5 ginto naman ang target sa judo, kickboxing, jiu-jitsu, sambo at wrestling.

Sa labas ng combat sports, ang dancesport ay inaasahang magsusubi ng 10 gold medals, habang ang athletics at gymnastics ay kumpiyansa sa siyam.

Ito ang ika-4 na pagkakataon na gaganapin sa Filipinas ang SEA Games. Ang unang tatlo ay noong 1981, 1991 at 2005.

Noong 2005 ay nakopo ng Filipinas ang overall title sa paghakot ng 291 medals (113 golds, 84 silvers, 94 bronzes), habang pumangalawa ang Thailand at pumangatlo ang Vietnam.

“Nobody expected us to win in 2005, but we did,” ani Ramirez. “For nine days that year, Filipinos were united by our athletes’ sporting achievement. We did it once, let’s do it again, for flag and country.”

Comments are closed.