PINAGTIBAY ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang nauna nitong desisyon na nagpapasara sa online news organization Rappler, ayon sa CEO nito na si Maria Ressa.
Ginawa ng 2021 Nobel Peace Prize laureate ang anunsiyo sa kanyang talumpati sa East-West Center international media conference sa Hawaii.
“In an order dated June 28, our Securities and Exchange Commission affirmed its earlier decision to revoke the certificates of incorporation of Rappler Inc. and Rappler Holding Corporation,” nakasaad sa statement ng organisasyon. “We were notified by our lawyers of this ruling that effectively confirmed the shutdown of Rappler.”
Kinumpirma ng SEC ang inilabas na kautusan pagkalipas ng ilang oras, at iginiit ang umano’y paglabag ng Rappler sa “constitutional and statutory restrictions on foreign ownership in mass media.”
“The Company Registration and Monitoring Department is hereby directed to effect the revocation of the Certificates of Incorporation of Rappler, Inc. and Rappler Holdings Corp. in the records and system of the Commission,” bahagi ng 12-page order, na tinukoy ang Konstitusyon at Presidential Decree 1018, na naglilimita sa ownership at management ng mass media sa Filipino citizens.
Noong 2018 ay ipinag-utos ng SEC ang pagkansela sa certificate of incorporation ng Rappler, at sinabing pinayagan ng news organization ang foreign investor Omidyar Network — isang investment company na pag-aari ni eBay auction site founder Pierre Omidyar — na humawak ng Philippine Depositary Receipts (PDRs), isang financial instrument na maaaring bilhin ng foreign entities para sa financial returns sa isang local company “but not in the form of dividends which are tied to ownership.”
Iniapela ng Rappler ang SEC ruling ngunit sinabi ng legal counsel ng organisasyon noong 2021 na nagsumite ang SEC ng report sa Court of Appeals (CA), at sinabing ang umano’y donasyon ni Omidyar ay walang legal effect sa kaso, nang hindi naririnig ang panig ng organisasyon.
Iginiit din ng Rappler na ang PDRs ay hindi nagbibigay ng foreign ownership rights at ang news organization ay pag-aari at pinamamahalaan ng mga Pilipino. Sinabi pa nito na ang PD 1018 ay para lamang sa print at broadcast media.
Subalit sinabi ng SEC sa latest statement nito na “the purported donation of the PDRs to the staff of Rappler neither created nor transferred any right in favor of the donees which would mitigate or cure the violation already committed.”
Ayon pa sa komisyon, kinatigan ng CA ang SEC order noon pang July 26, 2018; pagkatapos ay noong February 21, 2019; at noong December 4, 2019 ulit. Noong September 25, 2019 ay naglabas umano ang Supreme Court ng resolution na nagdedeklarang sarado na ang kaso.
Sinabi ni Ressa na iaapela ng Rappler ang desisyon ng SEC.