RAPTORS GIBA SA BUCKS

raptors vs bucks

TUMIRADA si Giannis Antetokounmpo ng 36 points, 15 rebounds at 8 assists nang gibain ng Milwaukee Bucks ang bumibisitang Toronto Raptors, 115-105, noong Sabado ng gabi.

Tinangka ng Raptors na burahin ang 26-point deficit, su­balit nakalapit lamang sa hanggang apat na puntos sa fourth quarter.

Ito ang unang paghaharap ng dalawang koponan magmula nang sibakin ng Raptors ang Bucks sa Eastern Conference finals noong nakaraang season.

Nagdagdag si Eric Bledsoe ng 14 points at 9 rebounds para sa Bucks, habang gumawa sina Khris Middleton at Brook Lopez ng tig-11 points.

Nanguna si Kyle Lowry para sa Toronto na may season-best 36 points at tumipa si Pascal Siakam ng 16 points bago na-foul out, may 1:41 ang na­lalabi sa fourth quarter. Nagdagdag sina Fred VanVleet ng  12 points, Serge Ibaka ng 11 at Marc Gasol ng 10 points at 12 rebounds.

PHILADELPHIA 129,

PORTLAND 128

Nalusutan ng Philadelphia 76ers kapwa ang pagkawala ni center Joel Embiid at ang hot-shooting Portland Trail Blazers noong Sabado ng gabi upang manatiling tanging unbeaten team sa NBA.

Naisalpak ni Furkan Korkmaz ang isang 3-pointer mula sa right side, may  0.4 segundo ang nalalabi, upang iangat ang 76ers sa kanilang ika-5 panalo sa season.

Isang 3-pointer ni second-year guard Anfernee Simons, may 2.2 segundo sa orasan, ang bumura sa 126-125 kalamangan ng Philadelphia, subalit hindi ito nakasapat sa Blazers, na bumagsak sa 0-2 sa home.

CHARLOTTE 93,

WARRIORS 87

Naisalpak ni Terry Rozier ang go-ahead basket, may 1:09 sa orasan, at nalusutan ng bumibisitang Charlotte Hornets ang frantic finish upang gapiin ang injury-depleted Golden State Warriors noong Sabado ng gabi.

Nagsalo sina Charlotte’s Dwayne Bacon at Golden State’s Eric Paschall sa  game-high scoring honors na may 25 points at sinamantala ng Hornets ang pagkawala nina injured stars Stephen Curry, Klay Thompson, D’Angelo Russell at Draymond Green.

Umabante ang Warriors sa  69-60 matapos ang three-point play ni Paschall, may 4:02 ang nalalabi sa third quarter, su­balit naubusan sila ng gasoline sa ikalawang gabi ng back-to-back, sa pag-iskor ng 18 points lamang sa hu­ling 16 minuto ng laro.

Makaraang luma­mang ang Charlotte sa 88-87 sa basket ni Rozier, may ilang pagkakataon ang Warriors na kunin ang bentahe, ngunit sumablay sa kanilang huling dalawang tira at gumawa ng pares ng turnovers.

PHOENIX 114,

MEMPHIS    105

Tumipa si Devin Booker ng 21 points at tatlong 3-pointers at nagbuhos si  Aron Baynes ng 20 points at career-high four 3-pointers  nang pataubin ng Phoenix Suns ang host Memphis Grizzlies.

Umiskor si Kelly Oubre Jr. ng 15 points, gumawa si  Frank Kaminsky ng  14 points mula sa bench at nagdagdag si Ricky Rubio ng 11 points, 6 assists, 5  rebounds at 3 steals para sa Suns, na nanalo ng dalawang sunod at 4-2 sa unang pagkakataon magmula noong 2013-14.

Nagposte si Ja Morant ng 24 points at 7 assists, at nag-ambag sina Dillon Brooks at Brandon Clarke ng tig-16 points para sa Grizzlies, na natalo ng apat sa kanilang unang limang laro sa unang season ni coach Taylor Jenkins.

Sa iba pang laro ay namayani ang Minnesota Timberwolves laban sa Washington Wizards, 131-109.

Comments are closed.