NAGBUHOS sina Jaylen Brown at Jayson Tatum ng tig-25 points at naitala ni Kemba Walker ang 11 sa kanyang 22 sa fourth quarter nang hiyain ng Boston ang bumibisitang Toronto sa kanilang home opener, 112-106.
Nanguna si Pascal Siakam sa lahat ng scorers na may 33 points, at tumipa si Kyle Lowry ng 29 para sa Raptors, na nalasap ang unang kabiguan matapos magwagi sa kanilang opener noong Martes.
MAVERICKS 123,
PELICANS 116
Kumana si Luka Doncic ng triple-double upang pangunahan ang Dallas Mavericks sa 123-116 panalo laban sa New Orleans at umangat sa 2-0 sa season.
Tumapos si Doncic, ang reigning NBA Rookie of the Year na tumabo ng 34 points upang pangunahan ang Mavericks sa season-opening win kontra Washington, dalawang gabi na ang nakalilipas, na may 25 points, 10 rebounds at 10 assists
Nagdagdag si Kristaps Porzingis ng 24 points, umiskor si Delon Wright ng 20 mula sa bench at nagposte si Jalen Brunson ng14.
Kumamada si Brandon Ingram ng 25 points para sa Pelicans na bumagsak sa 0-2 sa season.
NUGGETS 108,
SUNS 107 (OT)
Kumana si Nikola Jokic ng 23 points, 14 rebounds at 12 assists at nagdagdag si Jamal Murray ng 27 points at 7 rebounds nang gapiin ng host Denver ang Phoenix sa overtime.
Umiskor si Murray ng game-winning points mula sa free-throw line, wala nang 20 segundo ang nalalabi, tumipa si Malik Beasley ng 17 points, at nakalikom sina Gary Harris at Jerami Grant ng tig-13 points para sa Nuggets, na may best record (34-7) sa home noong nakaraang season.
Nagsalansan si Kelly Oubre, Jr. ng 23 points at 8 rebounds bago na- foul out, gumawa si Frank Kaminsky ng 19 points at 11 rebounds, at nag-dagdag si Devin Booker ng 18 para sa Suns, ngunit ang kanyang game-tying attempt ay nasupalpal sa final seconds.
LAKERS 95, JAZZ 86
Nagpasabog si LeBron James ng 32 points, 10 assists at 7 rebounds nang igupo ng host Los Angeles ang Utah sa kanilang home opener.
Nagdagdag si Anthony Davis ng 21 points, 5 blocks at 7 rebounds, habang umiskor si guard Troy Daniels ng 15 points mula sa bench para sa Lakers, na bumawi mula sa season-opening loss sa LA Clippers noong Martes.
Nanguna si Donovan Mitchell para sa Jazz na may 24 points at nag-ambag si Mike Conley ng 13 points.
TIMBERWOLVES 121, HORNETS 99
Humataw si Karl-Anthony Towns ng 37 points nang iposte ng Minnesota ang ikalawang sunod na panalo matapos na gapiin ang Charlotte.
Bumuslo si Towns, kumalawit ng game-high 15 rebounds at 8 assists, ng 13 of 18 mula sa field.
Sa iba pang laro, nilambat ng Nets ang Knicks, 113-109; Trail Blazers 122, Kings 112; sinuwag ng Bulls ang Grizzlies, 110- 102; at pinatahimik ng Wizards ang Thunder, 97-85.
Comments are closed.