RAPTORS NALUSUTAN ANG HEAT SA 3 OT

ISANG 3-pointer ni Fred VanVleet, may 2:17 ang nalalabi sa ikatlong third overtime period, ang nagbigay sa bisitang Toronto ng five-point lead, at hindi na ito binitiwan upang gapiin ang Miami.

Nagbuhos si Gary Trent Jr. ng  33 points para sa Raptors, na na-split ang unang dalawa sa three-game road trip. Tumapos si Scottie Barnes na may 22 points at 9 rebounds para sa Toronto. Nagdagdag si Pascal Siakam ng 21 points, 13 rebounds, 6 assists, 4 steals at 4 blocked shots habang nakakolekta si OG Anunoby ng 20 points at 14 rebounds.

Kumubra si Jimmy Butler ng 37 points, 14 rebounds at 10 assists para sa Heat, na naputol ang three-game winning streak. Umiskor si Gabe Vincent ng 17 points para sa Miami, tumipa si Bam Adebayo ng 14 points at 16 rebounds at nag-ambag si Tyler Herro ng 13 points.

WARRIORS 110, NETS106

Isinalpak ni Klay Thompson ang isang clutch 3-pointer, may 12.5 segundo ang nalalabi, at nakipagtuwang kay Stephen Curry para itala ang huling 17 points ng Golden State, na naging sandigan ng Warriors upang pataubin ang bisitang Brooklyn Nets, 110-106, sa San Francisco.

Sa gabing may pinagsama lamang sila na 10-for-32 overall at 5-for-18 sa 3-pointers, sina Curry (19 points) at Thompson (16) ay nakakuha ng sapat na suporta mula kay Andrew Wiggins, na kumamada ng team-high 24 points.

Nakapaglaro dahil ang game ay sa road, nanguna si Kyrie Irving para sa Nets na may 32 points. Sinamahan ni James Harden (sore right hand) si Kevin Durant (sprained left knee) sa  sidelines.

GRIZZLIES 115, WIZARDS 95

Kumana si Ja Morant ng 34 points upang pangunahan ang anim na players sa double figures nang pulbusin ng Memphis ang bisitang Washington.

Nanalo ang Grizzlies ng tatlong sunod at 16 sa kanilang huling 19 games. Umiskor si Desmond Bane ng 19 points para sa Grizzlies, nagdagdag si De’Anthony Melton ng 13 points at nagtala si Steven Adams ng double-double na may 10 points at 15 rebounds.

Nagbida si Kyle Kuzma para sa Washington na may 30 points, pawang matapos ang  first quarter. Kumabig si Kentavious Caldwell-Pope ng 15 points at kumubra si Spencer Dinwiddie ng 10.

Sa iba pang laro ay dinispatsa ng Celtics ang Pelicans, 107-97; pinayuko ng 76ers ang Kings, 103-101; at tinambakan ng Mavericks ang Pacers, 132-105.