RAPTORS PINALAMIG ANG HEAT

raptors

NAGBUHOS si Kawhi Leonard ng game-high 30 points at nagdagdag ng walong rebounds nang putulin ng Toronto Raptors ang five-game win streak ng host Miami Heat sa pamamagitan ng 106-104 panalo noong Miyerkoles ng gabi.

Naglaro ang Raptors na wala si point guard Kyle Lowry, na may back pain. Subalit ang Toronto ay 8-1 na wala si Lowry  ngayong season.

Naipasok ni Danny Green ng Toronto ang go-ahead 3-pointer mula sa right corner, may 23 segundo ang nalalabi, upang bigyan ang Raptors ng 106-104 kalamangan.

Sa sumunod na possession ay kinapos ang isang 3-point attempt ni Dwyane Wade ng Miami. Nakuha ni teammate Justise Winslow ang rebound at sumablay sa isang 3-pointer, may 2.6 segundo ang nalalabi, at nabigo si Wade sa isang tip-in.

NETS 134,

HORNETS 132

(2 OTS)

Naagaw ni Joe Harris ang bola at nag-drive para sa game-winning fast-break layup, may 3.4 segundo ang nalalabi sa double overtime, nang sa wakas ay mamayani ang host Brooklyn laban sa Charlotte.

Nasa Hornets ang bola, wala nang dalawang segundo sa pagitan ng shot clock at ng game clock, subalit nabitiwan ni Malik Monk ang bola nang tangkain niyang mag-dribble palibot kay Rodions Kurucs. Nakuha ni Harris ang bola at umiskor ng layup, subalit hindi nai-reset ang oras, kaya tumunog ang buzzer hudyat ng shot clock violation bago nagpakawala ang Charlotte ng des-peration shot.

Ibinalik ng mga opisyal sa 1.6 segundo ang oras at ibinigay sa Hornets ang bola sa half-court. Nagmintis si Monk sa isang desperation shot sa loob ng half-court para selyuhan ang pagkatalo.

SPURS 111,

NUGGETS 103

Kumana si DeMar DeRozan ng 30 points at nagdagdag si LaMarcus Aldridge ng 27 nang igu­po ng San Antonio ang bumibisitang Denver.

Abante ang Denver sa 80-79 matapos ang dalawang free throws ni Malik Beasley, may 9:44 sa orasan, bago bumanat ang Spurs ng 15-0 run, kabilang ang  3-poin­ters ni Marco Belinelli sa simula at pagtatapos ng spurt, upang pataubin ang Nuggets.

MAVERICKS 122, PELICANS 119

Tumipa si rookie Luka Doncic ng 21 points at 10 assists nang wakasan ng host Dallas ang six-game losing streak at palawigin ang losing streak ng New Orleans sa limang laro.

Nagdagdag si DeAndre Jordan ng 20 points at 12 rebounds, umiskor si J.J. Barea ng 18 points, gumawa sina Harrison Barnes at Devin Harris ng tig-16 points at nag-ambag si Maximilian Kleber ng 10 para sa Mavericks, na umangat sa 14-3 sa home.

Kumabig si Anthony Davis ng 32 points at 18 rebounds, at nagdagdag sina Jrue Holiday ng  25 at Julius Randle ng 23 para sa Pelicans, na nakumpleto ang  four-game road trip sa 4-15.

TIMBERWOLVES 119, BULLS 94

Nagtuwang sina Karl Anthony-Towns at Taj Gibson sa scoring sa 8-0 burst sa pagsisimula ng laro na nagbigay sa Minnesota ng kalamangan tungo sa panalo kontra host Chicago.

Tumirada si Derrick Rose ng team-high 24 points at walong assists, habang nagtala si Towns ng 20-point, 20-rebound double-double para sa Timberwolves, na nakumpleto ang two-game, season-series sweep sa Bulls.

Ang 20-20 game  ay ikatlo ni Towns sa season at ika-8 sa kanyang career.

Sa iba pang laro: Grizzlies 95, Cavaliers 87; Pistons 106, Wizards 95; Suns 122, Magic 120 (OT); Clippers 127, Kings 118.

Comments are closed.