(Raptors sibak) CELTICS SA EC FINALS

celtics vs raptors

NAGBUHOS si Jayson Tatum ng 29 points at 12 rebounds at umiskor si Jaylen Brown ng 21 upang tulungan ang Boston Celtics na pataubin ang Toronto Raptors, 92-87, sa Game 7 at umabante sa Eastern Conference finals noong Biyernes ng gabi sa Orlando.

Nagdagdag si Marcus Smart ng 16 points at gumawa si Kemba Walker ng 14 para sa Celtics na makakasagupa ang Miami Heat sa kanilang ikatlong sunod na finals appearance sa huling apat na seasons. Nakatakda ang Game 1 ng series sa Martes (US time),

Tumipa si Fred VanVleet ng 20 points upang pangunahan ang  Raptors, na natapos ang title defense makaraang burahin ang 2-0 at 3-2 deficits sa series. Nagtala si Kyle Lowry ng16 points, at kumamada si Pascal Siakam ng 13 points at 11 rebounds.

Ang Toronto ay 18 beses na nakagawa ng turnover, anim sa fourth quarter. Sa kabila nito ay nakalapit pa rin ang Raptors sa 89-87, may 1:21 ang nalalabi.

Nagkaroon si Siakam ng pagkakataon na itabla ang laro, subalit nasupalpal siya sa likod, at na-foul out si Lowry, may 35.4 segundo ang nalalabi. Nagmintis si Celtics rookie Grant Williams sa dalawang free throw, subalit nakakuha ng foul si Tatum sa rebound at naipasok ang isa sa dalawang free throws para sa 90-87 kalamangan.

Angat ang Boston ng isang puntos papasok sa fourth, naisalpak ni Walker ang kanyang unang 3-pointer sa laro sa opening possession. Nagdagdag sina Daniel Theis at Tatum ng buckets para sa 7-0 Celtics run at 79-71 lead.

Lumapit ang Raptors sa apat na puntos, 82-78, sa tip-in ni Siakam, may 6:49 ang nalalabi, ngunit isang three-point play ni Walker ang nagbigay sa Celtics ng 88-78 bentahe, may 4:51 sa orasan.

NUGGETS 111,

CLIPPERS 105

Nagpasabog si Jamal Murray ng 26 points at sumandal ang Denver Nuggets sa fourth-quarter rally upang gulantangin ang Los Angeles Clippers, 111-105, sa Game 5 ng kanilang Western Conference semifinals.

Nagdagdag si Nikola Jokic ng 22 points, 14 rebounds at 5 assists para sa Nuggets, na tinapyas ang bentahe ng Clippers sa 3-2. Nagtala si Paul Millsap ng 17 points.

Nanguna si Kawhi Leonard para sa Clippers na may 36 points at 9 boards, habang tumapos si Paul George na may 26 points, 6 rebounds at 6 assists. Nag-ambag si Marcus Morris Sr. ng 12 points at gumawa si Patrick Beverley ng 10.

Comments are closed.