KINOKONSIDERA na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagtataas sa suggested retail price (SRP) ng face mask dahil sa paglobo ng presyo ng raw materials nito.
Sa pahayag ni Trade Secretary Ramon Lopez ay maaaring itaas sa P16 ang isang piraso ng face mask.
Naglalaro sa piso hanggang P8.00 ang SRP kada piraso ng ordinaryong surgical mask.
Kamakalawa ay ipinaliwanag ni Lopez na tumaas ang presyo ng raw materials ng face mask dahil sa malawakang demand nito sa buong mundo bunsod ng pagkalat ng novel coronavirus (nCoV) kaya maaring payagan na ang pagbebenta nito ng P16 kada piraso.
“₱12 to ₱16 range will be our projected SRP — that, we might announce soon,” pahayag pa ng kalihim.
Samantala, namahagi ng 30,000 face masks ang Philippine Chinese Chamber of Commerce and Industry Inc. para magamit ngayong kasagsagan ng novel coronavirus scare sa bansa.
Ang donasyon ng grupo ng mga negosyante ay ipinagkaloob kay Senador Koko Pimentel III.
Ayon kay PCCII Secretary General Ko Beng Sum, kabuuang 600,000 masks ang ido-donate ng kanilang grupo,
Maliban sa 30,000 na ipinagkaloob sa tanggapan ni Pimentel III ay magbibigay rin sila ng 200,000 masks sa Office of the President.
Ayon kay Pimentel, ibibigay naman ng kaniyang tanggapan ang mga mask sa mga airport personnel at sa mga staff ng Senado.
Matatandaang namahagi rin ng libo-libong face masks ang Federation of Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry sa Binondo, Manila.
Ito ayon kay FFCCCII President Henry Lim Bon Liong ay bilang pakikiisa sa pagsisikap ng gobyerno at ng Pangulong Duterte na mapigil ang pagkalat ng nCoV sa Filipinas.
Comments are closed.