RCEP IMPORT, EXPORT GUIDELINES INILABAS NA NG BOC

APAT na araw magmula nang ipatupad, naglabas na ng bagong guidelines ang Bureau of Customs (BOC) para sa Preferential Tariff Treatment sa ilalim ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) agreement.

Layunin ng RCEP na alisin ang ipinapataw na buwis sa hindi bababa sa 90% ng mga produkto mula sa mga kalahok na bansa.

Sa ilalim ng Customs Memorandum Order 12-2023 na pirmado ni Commissioner Bienvenido Rubio, ang mga imported goods mula sa 15 bansa na kalahok sa RCEP agreement ay maaaring mag-claim ng Preferential Tariff Rate o taripa.

Nakasaad din sa CMO ang proseso para sa pagbibigay at pagtanggap ng certificate of origin na kailangan upang matukoy at mabantayan ang mga produkto na ipinadadala at dumarating sa mga bansang kalahok.

Para makakuha ng RCEP Tariff rates, ang importer ay dapat kumuha ng certificate at deklarasyon mula sa exporter na awtorisado ng BOC habang inaatasan ng Aduana ang export coordination division nito na suriin ang mga dokumento at aplikasyon para sa approved exporter status.

Kailangan namang maghain ng aplikasyon ang mga exporter sa ECD upang makakuha ng certificate of origin para sa RCEP.

-DWIZ 882