RE-ELECTED BRGY. CHAIRMAN DINAKIP SA SHABU

BARANGAY

LAGUNA – Hindi na nakapalag sa miyembro ng Famy PNP ang 45-anyos na re-elected barangay chairman matapos ang  paghahain ng mga ito ng search warrant kasunod ang pagkakum­piska sa kanyang pag-iingat ng hindi pa mabatid na gramo ng shabu sa loob ng kanyang tirahan sa Brgy. Damayan kamakalawa ng umaga.

Sa harap mismo ng kanyang maybahay at mga konsehal kung saan tumayong testigo ang mga ito, inaresto ni Sr. Insp.  Marlon Cabatana, hepe ng pulisya, ang suspek na si Alfredo Manuel Jr. alyas “Bhoy”, residente ng nasabing lugar.

Base sa ulat ni Cabatana kay Laguna PNP Provincial Director, Sr. Supt. Kirby John Kraft, lumilitaw sa talaan ng mga ito na napapabilang ang suspek sa number 1 sa drugs watchlist sa bayang ito kung saan matagal na aniyang target ng pulisya.

Sa imbestigasyon, dakong alas-5:50 ng umaga nang salakayin ni Cabatana at kanyang mga tauhan ang bahay ng suspek bitbit ang search warrant na ipina­labas ni Hon. Judge Agripino Morga, Executive Judge, Br 29/32 lungsod ng San Pablo.

Nakumpiska sa loob ng bahay ng suspek ang apat na piraso ng small heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang may kabuuang street value na aabot sa mahigit na P2,000.

Kaugnay nito,  kusang loob na umamin sa harap ng pulisya ang suspek na matagal na umano siyang tumigil ng paggamit ng shabu bago pa aniya siya mu­ling nahalal sa ikatlong termino. DICK GARAY

Comments are closed.