PATULOY na pagsusulong sa kaunlaran ng bawat Pilipino at pagsisikap na makabangong muli ang lahat mula sa lugmok na kalagayan sa kasalukuyan.
Ito ang binigyang-diin ni House Deputy Speaker Bernadette Herrera bilang pangunahing layunin ng kanyang Partido, ang Bagong Henerasyon Party-list sa kanilang paglulunsad ng opisyal na kampanya bilang reelectionist. Ginanap ang launching ng BH Party-list ngayong Pebrero 8 sa Lungsod ng Quezon.
Pangako ni Herrera, ipagpapatuloy niya at mas palalawigin pa ang mga ginagawang tulong sa bawat pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng paglikha ng mga batas sakaling muling mahalal at makapaglingkod ng panibagong tatlong taon sa Kongreso.
“Napakarami na nating nagawa, lalo na nitong mga nakaraang taon. Pero kung tayo ay papalaring muling mahalal, mas marami pa tayong magagawang tulong para sa ikauunlad ng ating mga kababayan na ikinakatawan natin sa Kongreso,” pahayag ni Herrera sa harap ng libo-libong tagasuporta sa pagsisimula ng kanyang kampanya sa Brgy. Masambong, sa Diliman.
Mababatid na higit 2,000 miyembro ng kanyang party-list group ang nabigyan ng tulong sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Marami ring natulungan ang Partido sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Pormal na ipinahayag ni Herrera nitong Oktubre 2021 ang muling pagkandidato ng kanyang party-list group, matapos isumite sa Commission on Elections ang kanilang Certificate of Nomination and Acceptance kung saan siya ang nanatiling first nominee.
Nasa ikalawang termino si Herrera bilang partylist representative at sa kabila ng napakarami nang tulong na naibigay sa kanyang mga ikinakatawan, handa siyang mas mapalawak pa ang mga suportang ito, lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Tinaguriang “Aksyonera” dahil sa mabilis na kilos at aksyon, sinabi ni Herrera na patuloy niyang palalakasin ang tinig ng kababaihan at kabataan, gayundin ng maliliit na negosyante (MSMEs) sa bansa.
“Kasama rin sa isusulong natin sakaling muli tayong mahalal ang pagsiguro sa proteksyon ng mga consumer, pagpapalakas sa serbisyo ng internet at higit sa lahat, pagbabangon sa ating ekonomiya na talaga namang hinagupit ng pandemya,” ani Herrera sa kanyang talumpati.
Bago pa maging Deputy Speaker ng Mababang Kapulungan, nagsilbi si Herrera bilang chairperson ng Committee on Women and Gender Equality, at vice chairperson ng Committee on Welfare of Children ngayong 18th Congress.
Nilikha nito ang 105-Day Expanded Maternity Leave Act, isinulong ang panukalang batas na nagbabawal sa child marriages sa bansa, na kamakailan lamang ay pinagtibay at isinabatas na ni Pangulong Duterte.
Naging co-author si Herrera sa mga batas bilang sagot sa mga problemang hatid ng COVID-19, partikular ang Bayanihan Laws na nagkaloob ng dagdag kapangyarihan sa Pangulo. Sa pamamagitan nito, naging mas malakas ang COVID response ng gobyerno.
Naging co-author din siya ng malalaking batas tulad ng Free College Education law, Medical Scholarship Law, Universal Health Care Act at ang Ease of Doing Business Act.
Sa loob ng tatlong taong panunungkulan ng BH Party-list, sinabi ni Herrera na nakapagkaloob sila ng trabaho sa may 50,000 indibidwal sa pamamagitan ng TUPAD, gayundin ang mga tulong pinansiyal sa may 100,000 katao sa pamamagitan naman ng AICS. Nagkaloob din ang partido ng P100 milyong halaga ng tulong medikal sa pinakamahihirap na pamilya sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Tinatayang 1,000 pamilya rin ang nabigyan ng “hanapbuhay package” at 2,000 katao ang naging benepisyaryo ng programang Bahay ang Hanapbuhay in Barangays.