KUMANA si Jayson Tatum ng 24 points at nagdagdag si Marcus Smart ng 22 nang pataubin ng Boston ang bisitang Denver, 108-102, upang hilahin ang kanilang winning streak sa pitong laro.
Kumabig si Robert Williams III ng 15 points at 16 rebounds para sa Celtics, na humabol sa 88-86, may 8:26 ang nalalabi. Nag-ambag si Derrick White ng 15 points at 6 rebounds mula sa Boston bench sa kanyang unang laro magmula nang kunin mula sa Spurs.
Nanguna si Nikola Jokic para sa Denver na may 23 points, 16 rebounds at 11 assists. Kumubra si Aaron Gordon ng 17 points para sa Nuggets na nalasap ang ika-4 na pagkabigo sa anim na laro.
BULLS 134, TIMBERWOLVES 122
Nagbuhos si DeMar DeRozan ng 35 points, 6 rebounds at 6 assists upang pangunahan ang Chicago sa panalo kontra bisitang Minnesota.
Nakalikom si Nikola Vucevic ng 26 points, 8 rebounds at 7 assists at napantayan ni Javonte Green ang kanyang career best na 23 points para sa Bulls. Napantayan ni Coby White ang kanyang season best na anim na 3-pointers at umiskor ng 22 points para sa Chicago na lumapit ng isang laro sa first-place Miami Heat sa Eastern Conference.
Tumipa si Anthony Edwards ng 31 points at 8 assists at nagposte si Karl-Anthony Towns ng 27 points, 8 rebounds at 8 assists para sa Timberwolves, na natalo ng dalawang sunod matapos ang five-game winning streak.
Sa iba pang laro ay tinambakan ng Hornets ang Pistons, 141-119; ginapi ng 76ers ang Thunder, 100-87; kinatay ng Spurs ang Hawks,136-121; nadominahan ng Cavaliers ang Pacers, 120- 113; at dinispatsa ng Jazz ang Magic, 114-99.