KUMAMADA si LeBron James ng season-high 34 points upang tulungan ang Los Angeles Lakers na manatiling walang talo sa road ngayong season sa pamamagitan ng 113-106 panalo laban sa Milwaukee Bucks noong Huwebes ng gabi.
Pinalawig ng Lakers ang kanilang franchise-best road start sa 8-0.
Tumirada si Los Angeles’ Kentavious Caldwell-Pope ng season-high seven 3-pointers sa 10 attempts sa 23-point night, at nag-ambag si Anthony Davis ng 18 points at 9 rebounds.
Bumuslo si James ng 6-for-10 mula sa 3-point range at nagdagdag ng 8 assists para sa Lakers sa opener ng seven-game road trip.
Tumapos si Montrezl Harrell na may 12 points mula sa bench para sa Los Angeles, na bumuslo ng 19 of 37 (51.4 percent) mula sa 3-point distance.
Nagposte si Giannis Antetokounmpo ng 25 points at 12 rebounds, nagdagdag si Jrue Holiday ng 22 points at 7 assists at umiskor si Khris Middleton ng 20 para sa Milwaukee, na natalo ng dalawang sunod.
Gumawa si Antetokounmpo ng career-high 9 turnovers.
JAZZ 129, PELICANS 118
Nagbuhos si Donovan Mitchell ng season-high 36 points at kumalawit ng 7 rebounds upang pangunahan ang Utah Jazz kontra New Orleans Pelicans para sa kanilang ika-7 sunod na panalo.
Naipasok ni Mitchell ang 11 sa 19 field-goal attempts at naisalpak ang 6 of 8 mula sa 3-point range. Ang kanyang ipinamalas ay nagpaalala sa kanyang eksplosibong first-round playoff series noong nakaraang taon, kung saan may average siya na 36.3 points laban sa Denver Nuggets.
Sa kanyang ika-5 3-pointer sa laro, ang All-Star guard ay naging pinakamabilis na player sa kasaysayan ng NBA na umabot sa 600 treys, kung saan nagawa niya ito sa 240 games.
Nakalikom si Mike Conley ng 20 points at 6 assists para sa Utah. Nag-ambag si Rudy Gobert ng 12 points, 11 rebounds at 4 blocked shots, habang gumawa si reserve Jordan Clarkson ng 19 points, at kumamada si Bojan Bogdanovic ng 16 points para sa Jazz na bumuslo ng 50 percent mula sa floor.
Tumipa si Zion Williamson ng 27 points para sa Pelicans, na nalasap ang ika-7 kabiguan sa walong laro. Naitala ni Brandon Ingram ang 20 sa kanyang 23 points sa first half.
KNICKS 119, WARRIORS 104
Nagposte si RJ Barrett ng career-best 28 points upang tulungan ang New York Knicks na gibain ang Golden State Warriors sa San Francisco.
Ang lahat ng limang Knicks starters ay umiskor ng double figures, kabilang sina Mitchell Robinson na may 18 points at Julius Randle na may 16 points, kung saan sinimulan ng New York ang four-game Western swing sa pamamagitan ng impresibong panalo. Nakopo ng Knicks ang ikatlong sunod na panalo.
Tumipa si Stephen Curry ng game-high 30 points ngunit bumuslo lamang ng 5-for-14 sa 3-point attempts para sa Warriors. Napatalsik si Draymond Green sa second quarter makaraang tanggapin ang kanyang ikalawang technical foul sa laro.
Comments are closed.