NABUHAY si Kyrie Irving sa fourth quarter nang maitala niya ang 14 sa kanyang 18 points at napigilan ng Brooklyn Nets ang paghahabol ng Milwaukee Bucks upang mahila ang pinakamahabang aktibong winning streak sa NBA sa walo sa 118-100 panalo noong Biyernes ng gabi sa New York.
Napantayan ng eight-game run ang pinakamahaba para sa Nets magmula nang lumipat sila sa Brooklyn bago ang 2012-13 season. Nakaharap ang best team sa NBA, ang Nets ay nanalo sa ika-12 pagkakataon sa 13 games at umangat sa 10-1 sa kanilang nakalipas na 11 home games.
Nanguna si Kevin Durant para sa Nets na may 24 points at tinapos ang Biyernes sa 26,484 points — 12 sa likod ni Tim Duncan para sa 15th sa all-time scoring list ng NBA. Nagdagdag si Nic Claxton ng 19 points para sa Nets, na bumuslo ng 49.5 percent at nakopo ang kanilang ikatlong double-digit win sa streak.
Nanguna si Giannis Antetokounmpo sa lahat ng scorers na may 26 points ngunit natalo ang Milwaukee ng magkasunod sa ikalawang pagkakataon ngayong season. Nagdagdag si Brook Lopez ng 23 para sa Bucks, na bumuslo ng 44 percent. Nag-ambag si Jrue Holiday ng 18.
Mavericks 112, Rockets 106
Umiskor si Luka Doncic ng season-high 50 points at isinalpak ang clinching 3-pointer, may 19 segundo ang nalalabi upang pangunahan ang bisitang Dallas sa panalo kontra Houston.
Nagdagdag si Doncic ng 8 rebounds, 10 assists at 3 steals habang bumuslo ng 17 of 30 overall at 6 of 12 mula sa arc. Gumawa siya ng 32 points sa second half habang tumapos na kulang ng isang puntos sa kanyang career high.
Nagtala si Rockets rookie Jabari Smith Jr. ng career-high 24 points at 10 rebounds, nagdagdag si Jalen Green ng 23 points at 8 boards, at nagsalansan si Sengun ng 19 points, 8 boards at 7 assists.
Pelicans 128, Thunder 125 (OT)
Nagbuhos si Trey Murphy III ng 23 points at nagdagdag si Jaxson Hayes ng season-high 21 upang bitbitin ang bisitang New Orleans sa overtime victory kontra Oklahoma City.
Naitarak ng Pelicans, naglaro na wala sina Zion Williamson (health and safety protocol) at Brandon Ingram (toe), ang 21-point lead sa first half, pagkatapos ay naghabol ng siyam na puntos sa fourth quarter bago naitakas ang panalo.
Kumamada si Shai Gilgeous-Alexander ng career-high 44 points, nagposte ng 17 of 29 mula sa floor. Nagdagdag siya ng 10 rebounds at 6 assists, subalir hindi ito nakasapat.
Hornets 134, Lakers 130
Tumirada si P.J. Washington ng 24 points at nagdagdag sina LaMelo Ball at Terry Rozier ng tig- 23 habang bumuslo ang bisitang Charlotte ng season-best 55.3 percent mula sa field nang pataubin ang Los Angeles.
Nag-ambag si Kelly Oubre Jr. ng 19 points para sa Hornets, na nanalo sa ikalawang pagkakataon pa lamang sa kanilang huling 11 laro.
Kumabig si LeBron James ng 34 points at nakakolekta si Austin Reaves ng 20 para sa Lakers na natalo sa ikatlong sunod na laro at bumagsak sa 1-3 magmula nang magtamo si star forward Anthony Davis ng right foot injury.