HUMATAW si Stephen Curry ng 38 points upang pangunahan ang bumibisitang Golden State Warriors sa 126-118 pagdispatsa sa Washington Wizards noong Huwebes ng gabi para sa kanilang ika-9 na sunod na panalo.
Nagdagdag si Kevin Durant ng 21 points, at tumipa si DeMarcus Cousins ng season-best 17 sa kanyang ikatlong laro magmula nang bumalik mula sa Achilles injury. Humablot si Draymond Green ng 15 rebounds.
Nagbuhos si Trevor Ariza ng 27 points para sa Washington, na nanalo ng dalawang sunod, at nag-ambag si Bradley Beal ng 22 points at 10 rebounds. Tumapos si Tomas Satoransky na may 20 points at 10 assists.
THUNDER 122, PELICANS 116
Tumirada si Russell Westbrook ng 23 points at naitala ang kanyang ikalawang sunod na triple-double nang gapiin ng host Oklahoma City ang New Orleans.
Nagdagdag si Westbrook ng 17 rebounds at 16 assists, at sinelyuhan ang kanyang league-leading 15th triple-double sa season, walang dalawang minuto papasok sa second half. Tumapos si Paul George na may 23 points, 11 rebounds at 7 assists, at nagposte si Steven Adams ng 20 points at 13 rebounds para sa Thunder.
Nanguna si Jrue Holiday para sa Pelicans na may 22 points, habang nagdagdag si Darius Miller ng 21. Naglaro ang New Orleans na wala sina An-thony Davis (finger injury), Nikola Mirotic (calf) at Julius Randle (ankle).
TIMBERWOLVES 120, LAKERS 105
Umiskor si Karl-Anthony Towns ng 27 points at humugot ng 12 rebounds, at nagdagdag si Andrew Wiggins ng 23 points nang igupo ng Minnesota ang Los Angeles.
Nagdagdag si Jerryd Bayless ng 16 points at 8 assists mula sa bench at naitala ng Timberwolves ang ikatlong sunod na panalo.
Gumawa si Brandon Ingram ng 20 points at bumagsak ang Lakers sa 5-10 na wala si LeBron James, na hindi nakapaglalaro magmula nang magtamo ng groin injury noong Christmas Day.
TRAIL BLAZERS 120, SUNS 106
Kumamada si Damian Lillard ng 24 points upang pangunahan ang limang Portland players sa double figures sa pagdurog sa Phoenix.
Mula sa bench ay kumana si Jake Layman ng 20 points at 8 rebounds para sa Trail Blazers, na nagwagi sa ika-4 na pagkakataon sa limang laro. Nagdagdag si CJ McCollum ng 20 points, gumawa si Seth Curry ng 17 at nakalikom si Jusuf Nurkic ng 16 para sa Portland. Tumabo si Nurkic ng team-high nine boards.
Umiskor si Devin Booker ng 27 points, at nag-ambag si Kelly Oubre Jr. ng 18 para sa Suns, na natalo ng anim na sunod.
Comments are closed.