RED-HOT WARRIORS

NAGBUHOS si Jordan Poole ng game-high 25 points at nagdagdag si Stephen Curry ng 20 upang pangunahan ang Golden State Warriors sa 120-107 panalo kontra bisitang Houston Rockets nitong Linggo ng gabi.

Umiskor din sina Andrew Wiggins (16 points), Otto Porter Jr. (15) at Gary Payton II (10) ng double figures para sa Golden State, na nanalo ng apat na sunod para umangat sa kanilang best-in-the-NBA record sa 8-1.

Tumapos si Jae’Sean Tate na may 21 points at 10 rebounds para sa Rockets, na natalo sa ikalawang pagkakataon sa loob ng dalawang araw at sa ika-8 sunod na laro.

Makaraang magtala ng 69 points sa first half,  abante lamang ang Warriors sa 83-80 sa dunk ni Christian Wood, may 5:06 ang nalalabi sa third quarter. Subalit isinalpak ni Nemanja Bjelica ang pares ng 3-pointers at nagdagdag si Payton ng dalawang hoops sa 15-0 flurry.

NETS 116,

 RAPTORS 103

Nagsalansan si Kevin Durant ng 31 points, 7 rebounds at 7 assists at ginapi ng bisitang Brooklyn ang Toronto.

Ito ang ika-10 sunod na laro ni Durant na may 20 o higit pang puntos at nakopo ng Nets ang ika-5 sunod na panalo, kabilang ang unang dalawa sa six-game road trip.

Nagdagdag si James Harden ng 28 points, 10 rebounds at 8 assists para sa Nets. Gumawa si Blake Griffin ng 14 points at 11 rebounds, umiskor si Patty Mills ng 13 points mula sa bench, at nag-ambag si Bruce Brown ng 12 points.

WIZARDS 101,

BUCKS 94

Tumabo si Bradley Beal ng 30 points upang pangunahan ang host Washington kontra Milwaukee para sa ikalawang sunod na panalo ng Wizards.

Naipasok ni Beal ang 14 sa 22 shots at nagdagdag ng 8 assists, habang nagtala sina Kyle Kuzma at Montrezl Harrell ng tig- 15 points, at nagdagdag si Harrell ng 10 rebounds.

Nanguna si Giannis Antetokounmpo para sa Bucks na may 29 points at 18 rebounds. Nagdagdag si Grayson Allen ng 19 points para sa Bucks, na sinimulan ang five-game road trip sa kanilang ika-5 pagkatalo sa nakalipas na anim na laro.

Nakakolekta si Bobby Portis ng 13 points at 13 rebounds.

MAGIC 107,

 JAZZ 100

Naitala ni Cole Anthony ang  24 sa kanyang season-high 33 points sa second half at nakalikom

si Wendell Carter Jr. ng season-high 22 points,  15 rebounds at 6 assists upang tulungan ang Orlando kontra Utah para sa kanilang unang home win sa season.

Isinalpak ni Anthony ang dalawang clutch jumpers sa huling 90 segundo, at ipinasok ni  R.J. Hampton ang isang 3-pointer, may 21.5 segundo ang nalalabi.

Ibinuslo ni Anthony ang kanyang dalawa lamang na free-throw attempts, may 18.2 segundo sa orasan, at pinutol ng Orlando ang two-game losing streak.

Nag-ambag si Franz Wagner ng 10 points para sa Orlando,  na umangat sa 1-4 sa home. Nagdagdag si Mo Bamba ng 9 points, 7 rebounds at 4 blocks, at umiskor sina Gary Harris at Hampton ng tig-8 points mula sa bench.

PACERS 94,

KINGS 91

Kumana si Caris LeVert ng season-high 22 points at tumapos si T.J. McConnell na may 18 nang gapiin ng Indiana ang Sacramento para sa kanilang unang  road victory sa anim na pagtatangka.

Tumipa si Domantas Sabonis ng 17 points at 10 rebounds, kumabig si Chris Duarte ng 15 points, at nagposte si Myles Turner ng 12 points at 15 rebounds para sa Pacers.

Sa iba pang laro ay natakasan ng Thunder ang Spurs, 99-94, at namayani ang Clippers kontra Hornets, 120-106.