NILINAW ng Department of Health (DOH) na boluntaryo na lamang ang magiging re-deployment ng doctors to the barrios sa Cebu City na isa sa pangunahing tinututukan ngayon ng pamahalaan dahil sa pagdami ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) doon.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, marami kasing doctors to the barrios ang hindi sumang-ayon para sa redeployment.
“Nu’ng nakiusap tayo marami ang nag-refuse. It is disheartening because nasa public health emergency tayo sana commitment ng ating government health workers are there. Never the less, ginawa natin nakipag-dialaogue tayo with them, now the recourse this will be voluntary wala na munang issue,” ani Vergeire.
Sa ngayon ay isinasapinal pa ng DOH kung ilang doktor ang kanilang ipadadala sa Cebu.
Sa una kasing plano ng DOH, 40 doctors to the barrios ang nais nilang ipadala sa Cebu na hahatiin sa apat na batch.
Ilan sa sinasabing naging isyu ay ang deployment ng mga ito maging sa mga pribadong ospital.
Pero ipinaliwanag ni Vergeire na hindi pa naman ito pinal at depende kung kulang din ng mga doktor sa ilang pribadong ospital sa Cebu.
Nilinaw rin ng opisyal na naghahanap rin naman sila ng iba pang maaaring mapagkuhanan ng mga health care professionals na ipadadala sa Cebu City.
Kaugnay nito, sinabi ng opisyal na tuloy pa rin ang kanilang emergency hiring ng mga health care workers partikular ng mga doktor upang matiyak na matututukan ang mga lugar na nangangailangan ng atensyon dahil sa dumaraming kaso ng COVID-19 infection.
Samantala, may ilang lugar na rin silang binabantayan sa Mindanao na nasa kategoryang emerging hotspots. Kabilang dito ang Bukidnon, Lanao del Norte at Misamis Occidental sa Region 10, Davao del Norte, Davao del Sur at Davao Oriental sa Region 11, South Cotabato at Sultan Kudarat sa Region 12 at Maguindanao sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.