PINAGPAPALIWANAG ni Senadora Grace Poe ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kaugnay sa pagbabawal sa paggamit ng ‘hatchbacks vehicle’ bilang transport network vehicle service (TNVS).
Ani Poe, dapat linawin ng LTFRB ang inilabas na Memorandum Circular 005 noong February 2018 na nagsasabing papayagan ang hatchbacks na makapag-operate pa ng tatlong taon para mabawi na ng may-ari o operator ang kanilang puhunan.
Dahil dito, gusto ng senadora ang dahilan ng pagbabago ng isip ng ahensiya at nilabag nito ang sariling kautusan.
Sinabi pa nito, dapat ay maging consistent ang LTFRB dahil hindi ito makatarungan para sa mga namuhunan at apektado ang mga pasahero.
Anang senadora, inirerespeto naman niya ang mandato ng LTFRB, ngunit kailangan din naman maging madali na ang proseso alinsunod na rin sa Ease of Doing Business Act.
Kaya’t umaasa si Poe na may magandang maibubunga ang magiging diyalogo sa pagitan ng LTFRB at TNVS kasunod na rin ng ikinasang transport holiday. VICKY CERVALES
Comments are closed.