SA DARATING na Linggo, Hulyo 22 gagawin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rehearsal para sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) sa Lunes.
Sa Malakanyang lamang magsasanay ng kanyang SONA speech ang Pangulo at inaasahang gagabayan ito ni Direk Binibining Joyce Bernal.
Kamakalawa ay nagkaroon ng run through sa Malakanyang si SONA Director Bernal kasama ang Technical Working Team.
Ipinapaliwanag ni Bernal kung ano ang gusto niyang mangyari, ano ang gusto niyang ipalabas sa SONA na isang malaking hamon at opportunity para ipakita ang kanyang talento.
Sinabi ni Bernal na ang bawat direktor ay may kanya-kanyang mata sa isang event kaya’t kung anuman aniya ang naging performance ni Director Brillante Mendoza ay iba naman ang sa kanya.
Samantala, hiniling ni Leyte Rep. Henry Ong na marinig sa SONA ng Pangulo ay ang plano para sa programa ng pagpapaangat ng buhay ng mga Filipino na ngayon ay nahaharap sa mabigat na problema ng inflation rate.
Isa lamang ito sa wish list ng mga kongresista para sa SONA ng Pangulo.
Inihirit din ng mambabatas ang pagpapatibay ng financial institutions, pag-sasaayos ng hanay ng transportasyon at pagsusulong ng karapatan ng mga nasa sektor ng LGBT.
Si Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera-Dy naman ay humiling sa Pangulo na sana ay isabatas ang Universal Health Care para sa mga Filipino, kasama ang programa para sa mga kabataang may kapansanan, pagpapatupad ng curfew sa mga kabataan, 100 days maternity leave, Magna Carta for Day Care Workers, at ang Air Passengers Bill of Rights.
Para naman kina Kabayan Reps. Ron Salo at Ciriaco Calalang ang pagkakaroon ng fixed salary para sa barangay officials at dagdag na benepisyo para sa barangay health workers.
Comments are closed.