CAMP CRAME – BUKOD sa puspusang pagbabantay para sa ginaganap na 30th Southeast Asian Games sa apat na rehiyon sa bansa, Regions 1.3, Calabarzon at Metro Manila, alertado rin ang Philippine National Police (PNP) para naman sa posibleng pananalasa ng Bagyong Tisoy.
Tiniyak ni PNP Spokesman, BGen. Bernard Banac na nakalatag na rin ang kanilang contingency measure ng bagyo sakaling mahagip ng matinding pag-ulan ang mga venue ng SEA Games.
Mayroon na ring mga pulis na naka-standby para mag-assist sa local Disaster Risk Reduction Management Council sakaling kailanganin ang preventive evacuation.
Umaasa naman na hindi maaapektuhan ng masungit na panahon ang mga venue ng nasabing sporting events na nagsimula kahapon at magwawakas sa Disyembre 11.
Samantala, sa huling update ng Philippine Atmospheric Geophysical, Astronomical Servies Administration (PAGASA), hinagupit na ng Bagyong Tisoy ang Bicol region kung saan inaasahang magla-landfall ito ngayong araw o bukas sa Bicol region.
Habang 11 lugar sa Luzon at sa Visayas ang umano’y puntirya ng bagyo.
Kahapon ay nakataas na rin ang signal number 2 sa Samar area habang maulan na rin sa ilang bahagi sa Virac, Catanduanes, ilang lalawigan sa Bicol at Visayas region. EUNICE C.
Comments are closed.