REKLAMO VS TOP UNIVERSITIES DUMAGSA: TUITION HIKE BUBUSISIIN

SEN IMEE MARCOS

PINAIIMBESTIGAHAN ni Senadora Imee Marcos ang napaulat na tuition increase makaraang makatanggap ng mga reklamo mula sa mga magulang at mga estudyante na nag-enroll sa ilang top uni- versities at private schools sa Metro Manila laban sa mga bayarin na hindi naman magagamit sa online classes.

Katuwiran ni Marcos, dapat mas mababa na ngayon ang gastusin sa blended learning (online classes at modular lesson) kaysa face-to-face education sa harap ng COVID-19 pandemic.

“Hindi na kailangan pang pabayaran ang napakaraming mga miscellaneous fee sa mga pasilidad ng eskuwelahan at serbisyo na hindi naman magagamit sa online classes,” giit ni Marcos.

Babala ni Marcos sa Commission on Higher Education, kasado na ang imbestigasyon sa kontrobersiya sakaling hindi ito umaksiyon bago ang pagbubukas ng klase sa Agosto 24.

Inihain ni Marcos ang Senate Resolution No. 480 nitong Lunes.

Sa natanggap na mga reklamo ni Marcos mula sa mga magulang at grupo ng mga estudyante, kabilang sa mga naniningil pa rin ng sobra-sobrang matrikula ang University of the East, University of Santo. Tomas, Ateneo de Manila University, CEU,  De La Salle University at iba pa.

Kabilang sa mga reklamo ay ang mga nakasingit pa ring miscellaneous fee para sa paggamit ng classroom-based internet, koryente, laboratoryo, library, medical at dental clinic.

Sinabi ni Marcos na hindi na magagamit ng mga estudyanteng 21-anyos pababa ang mga pasilidad ng mga unibersidad at pribadong paaralan batay sa guidelines na itinakda noong Hunyo pa lamang ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na dapat silang manatili sa kanilang mga bahay sa panahon ng lahat ng lebel ng community quarantine.

“Schools should not be playing blind and profiting on what they would no longer provide. Parents and students should definitely be paying less,” dagdag pa ni Marcos. VICKY CERVALES

Comments are closed.