(Rekomenda ng DOH) MAGSUOT NG FACE MASK SA LOOB NG BAHAY

facemask

MAGING g sa loob ng mga tahanan ay inirerekomenda na rin ng Department of Health (DOH) ang pagsusuot ng face masks partikular na kung may isang miyembro ng pamilya ang nagpapakita ng sintomas ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ang rekomendasyon ng DOH ay kasunod ng pahayag ni Interior Secretary Eduardo Año na ang mga household member ay dapat na magsuot ng personal protective equipment (PPE) sa kanilang tahanan dahil ang hawahan ngayon ng COVID-19 ay sa magkakapamilya na.

Ayon sa DOH, ang mga miyembro ng isang tahanan ay dapat na magsuot ng face masks kung mayroong ‘symptomatic person’ sa loob ng kanilang tahanan at kung isang miyembro ng pamilya ay bahagi ng vulnerable population, gaya ng senior citizens, mga taong may pre-existing medical conditions, o di kaya ay immunocompromised o mahina ang immune system.

Ipinayo  ni Sec.  Año ang pagsusuot   ng face mask  kasunod ng pahayag ni COVID-19 response chief implementer Secretary Carlito Galvez na bukod sa workplace ay maaari ring maikonsiderang critical areas para sa COVID-19 ang mga lugar kung saan nagkukumpulan ang mga tao.

Ayon kay Año, maaaring magsuot ng face shield bukod pa sa face mask upang mapigilan ang pagkahawa sa COVID-19  lalo na at nasa bawat pamilya na ang transmission ng virus.

Hinikayat din nito ang publiko na magsuot ng face shield hindi lamang sa mga pampublikong transportasyon o mga sasakyan, kundi maging sa mga papmpublikong lugar gaya ng palengke, ospital at quarantine facilities.

Ipinaliwanag ng DOH na ang pagsusuot ng face masks at iba pang PPEs sa loob ng tahanan ay makababawas sa panganib na mahawa ang isang tao ng virus ng hanggang 85%.

Matatandaang bukod sa pagsusuot ng face mask, una na ring iminandato ng Department of Transportation (DOTr) ang paggamit ng face shield sa mga public transport bilang karagdagang proteksiyon laban sa COVID-19.

Nabatid na hanggang nitong Linggo ng hapon, umaabot na sa 129,913 ang kabuuang kaso ng COVID-19 na naitala sa bansa, at nasa 59,970 sa mga ito ang itinuturing pa ring active cases.

Nasa kabuuang 67,673 naman na ang nakarekober sa virus habang 2,270 na sa kanila ang binawian ng buhay. Ana Rosario Hernandez (May dagdag na ulat ang DWIZ882)

Comments are closed.