Mararanasan ng mga pasahero ang mabilis at reliable internet connection sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ayon sa pamunuan ng New NAIA Infra corporation (NNIC).
Mula sa dating 50-60 Mbps internet connectivity ito ay itataas hanggang 115 Mbps, upang ma-enjoy ng mga pasahero ang tatlong oras free access internet habang naghihintay ng kanilang mga flight.
Upang masiguro ang maganda at reliable internet connectivity sa airport ay pinagsama-sama ng NNIC ang tatlong malalaking kompanya na kinabibilangan ng Philippine Long Distant Telephone (PLDT), Smart at Converge, upang matugunan ang kakulangan ng internet reliability sa mga paliparan.
Ayon sa impormasyon na nakalap ng pahayagang ito, naga-average ng 1,000 ang internet users per hour o kada oras sa apat na airport sa bansa.
At ayon naman sa tagapagsalita ng NNIC sa halip na dalawang oras ang free internet access, gagawin itong tatlong oras habang inaayos ng mga ito ang kanilang online travel requirements o nakaantabay sa kanilang mga flight schedule.
Dagdag pa na pahayag ng NNIC, ang improvement na ito ay kasama sa kanilang layunin upang maibigay ang tinatawag na high level service na kinakailangan ng mga biyahero. froilan morallos