REPATRIATION NG 11 PINOY CREW NG HOUTHI-ATTACKED SHIP KASADO NA

NAKATAKDA nang umuwi ang 11 Filipino seafarers na kabilang sa crew ng merchant ship na inatake ng Houthi rebel group sa Gulf of Aden, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Sa isang panayam sa Super Radyo dzBB, sinabi ni DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac na kabilang sa ire-repatriate ang  10 Pinoy na hindi nasaktan, at isang nasugatan sa Houthi missile attack.

“Itong uuwi sa Tuesday ay 11. Sampung unharmed at isang injured. May dalawa pang naiwan sa ospital na may major injuries, at ‘yung labi ng dalawa na nasawi,” ani Cacdac.

Ang missile attack na inilunsad noong Miyerkoles ng Houthi rebels ay ikinasawi ng tatlong seafarers na sakay ng Greek-owned, Barbados-flagged ship True Confidence. Lulan nito ang 15 Pinoy, 4 Vietnamese, at ang Indian captain.

Kabilang sa mga nasawi ang dalawang Pinoy. Ang kanilang mga labi ay nasa barko pa dahil nagpapatuloy pa ang salvaging operation para sa merchant ship.

“Ang tinamaan ng missile ay ang fuel tank ng barko. Mataas pa ang heat signature, so hindi pa nakapasok ang team sa salvaging operations na hinire ng shipowner. Kasama talaga sa pakay ng salvors ang makuha ang dalawang labi ng ating mahal na tripulanteng nasawi,” sabi pa ni Cacdac.

Ang 20 crew at tatlong armadong guwardiya na sakay ng barko ay naunang iniulat na dadalhin sa isang ospital sa Djibouti sa Horn of Africa ng isang Indian warship.

Sinabi ng DMW chief na magkakaloob ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng tulong pinansiyal sa Filipino seafarers na naapektuhan ng pag-atake.