REPORMA SA HALALAN TATALAKAYIN SA SENADO

halalan

SINIGURO ng Joint Congressional Oversight Committee on the Automated Election System (JCOC-AES) na nakasentro sa reporma kaugnay sa proseso ng halalan ang isasagawang pagdinig ngayong umaga dahil sa mga naitalang problema.

Ito ang inihayag nina JCOC-AES chairmen Sen. Aquilino Pimentel III at CIBAC party-list Rep. Sherwin Tugna, kasama sa uungkatin nila ang pagsablay ng napakaraming Vote Counting Machines (VCM) na gawa ng Smartmatic at atrasadong release ng data mula sa transparency server.

Maging ang defective na SD o memory cards ng S1-Silicon Valley company ay uusisain ng mga mambabatas.

Gayundin, susuriin din ang final report ng local source code reviewers.

Ang source code ay readable instructions na ginagamit sa mga makina para mapagana ito sa specific functions sa panahon ng halalan.

Sinabi naman ni Senador Kiko Pangilinan, may pananagutan ang Comelec sa lahat ng ito, habang nais din nilang singilin ang ilang mga kandidato sa paglabag sa election laws.

Partikular na tinukoy nito ang mga naglalakihang billboards na nasa labas ng common poster areas. VICKY CERVALES

Comments are closed.