Mga laro ngayon:
(Filoil Flying V Centre)
8 a.m. – UE vs NU (Men)
10 a.m. – Ateneo vs DLSU (Men)
2 p.m. – UST vs AdU (Women)
4 p.m. – NU vs DLSU (Women)
SISIKAPIN ng DE La Salle na agad makabalik sa winning track sa pagsagupa sa mapanganib na National University sa UAAP Season 81 women’s volleyball tournament ngayon sa Filoil Flying V Centre.
Para kay Lady Spikers mentor Ramil de Jesus, kailangan nila ng mental toughness, lalo na sa service area.
“Well ‘yun nga eh, sabi ko naman sa kanila, ‘Hindi kalaban ninyo ang magpapanalo sa inyo, kayo ang magpapanalo sa sarili niyo’,” wika ni De Jesus makaraang matalo ang La Salle sa University of the Philippines sa ikalawang pagkakataon ngayon season noong Linggo.
“Unang-una, siyempre, ‘yung serve. Kung mawawalan ka ng tiwala sa serve, eh ano pa ‘yung kaya mong gawin? Dahil sarili mo na iyan, eh. Ikaw na iyan wala ka namang kalaban sa service line,” sabi pa niya.
“So malaking factor ‘yun para sa team na ganoon ang naging performance, lalo na sa service namin.”
Sinamantala ng Lady Maroons ang 37 errors ng Lady Spikers sa 25-16, 26-24, 25-19 panalo nito noong Linggo, na nagbigay sa defending champions ng kanilang ikatlong kabiguan sa walong laro.
Nakaipit sa ‘four-way tie’ sa UP, University of Santo Tomas at Far Eastern University sa 5-3, kailangang masolusyunan agad ng De La Salle ang kanilang problema sa 4 p.m. match.
Muling masusubukan ang Lady Spikers ng Lady Bulldogs, na sa kabila na nasa lower half ng standings sa 2-6 ay matikas na nakikihamok sa kanilang youth movement.
Nagbanta ang NU sa De La Salle sa 10-25, 25-20, 25-27, 22-25 first round loss, at umaasa si De Jesus na kakayod nang husto ang kanyang tropa at ipakikita ang tunay na character sa bounce back game na ito.
Target din ng Tigresses na maibalik ang winning ways laban sa kulelat na Adamson University sa 2 p.m. curtain raiser.
Naputol ang three-match winning run ng UST kasunod ng 25-19, 25-22, 25-27, 22-25, 11-15 pagkatalo sa league-leading Ateneo noong nakaraang linggo.
Sa men’s division, target ng titleholder NU ang solo lead laban sa University of the East sa alas-8 ng umaga, na susundan ng 10 a.m. clash sa pagitan ng Ateneo at De La Salle.
Comments are closed.