ISABELA-TAMPOK ang Humanitarian Assistance Disaster Rescue (HADR) Training sa RP-US Balikatan Exercises sa loob mismo ng Camp Melchor F. Dela Cruz, Upi Gamu.
Sinabi ni Army Capt. Jefferson Somera, hepe ng Division Public Affairs Office ng 5th Infantry Division Philippine Army, na noong May 7, 2018 nag-umpisa ang RP-US Balikatan Exercises sa iba’t ibang lugar sa Northern at Central Luzon.
Bago nito, nagkaroon ng opening ceremony sa AFP-Commissioned Officers’ Club (AFPCOC) sa loob ng Camp Aguinaldo sa Quezon City sa nasabing petsa na pinangunahan nina Defense Secretary Delfin Lorenzana, Lt. Emmanuel Salamat, PHL Exercise Director at counterpart nito na si Lt. Gen. Lawrence D. Nicholson sa panig ng Estados Unidos.
Binigyan ng focus sa Camp Melchor Dela Cruz ang HADR training na nakitang mas kailangan ng rehiyon sa pagtugon sa mga darating na sakuna at kalamidad.
Ginagawa ang urban search and rescue operation na kinabibilangan ng vehicle rescue at high and low angle route operation.
Ayon kay Somera, ituturo rin ng mga sundalong Amerikano na pinamumunuan ni Major James Kanoholani ang mga makabagong equipment at teknolohiya para sa mabisang rescue operations ng mga sundalo.
Sinabi pa ni Capt. Somera na sa Mayo 17, 2018 ay magkakaroon ng simulation exercise sa Calayan Island sa Cagayan para makita ang mga natutuhan ng mga sundalong Pinoy mula sa mga sundalong Amerikano. IRENE V. GONZALES
Comments are closed.