RESETA KAILANGAN SA GAMOT SA LEPTOS

DUQUE-LEPTOS

KINAKAILANGAN  munang kumuha ng reseta sa doktor upang makabili ng antibiotic para sa sakit na leptospirosis.

Ito ang pagli­linaw ng Department of Health (DOH) kasunod ng mga natanggap na reklamo mula sa mga netizen na ayaw silang pagbilhan ng doxycycline o tetracycline, na ginagamit na prophylaxis, sa mga botika.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang reseta o prescription ay maaari rin namang makuha sa mga health center para makabili ng antibiotic.

“Punta lang kayo sa inyong health center o sa pinakamalapit na pagamutan, humingi ng reseta para maidispensa kasi may batas tayo,” paliwanag pa ng kalihim, sa panayam sa radyo.

Matatandaang dahil sa mga naganap na pag-ulan at malawakang pagbaha nitong weekend, tumaas ang posibilidad na maraming residente ang dapuan ng leptospirosis.

Gayunman, hindi pa rin maaaring basta na lang bumili ng antibiotic para sa nasabing sakit dahil na rin sa umiiral na batas.

“Unang-una, si­yem­pre takot din ‘yung ating pharmacies na makasuhan sila na nagbibigay ng gamot ng walang reseta, so res­petuhin natin ‘yung batas,” aniya pa.

Ani Duque, ang isang dose ng doxycycline sa  generics pharmacy ay nagkakahalaga ng P33.

Pinapayuhan naman ni Duque ang publiko na huwag balewalain ang sakit dahil ito’y nakamamatay.

Ayon pa sa kalihim, kung lumusong sa baha at nakaramdam ng sintomas nito ay mas ma­kabubuting kumonsulta kaagad sa doktor. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.