GINIBA ng isang inter-agency task force ng gobyerno nitong Martes ang pasaway na establisimiyento sa Boracay na nabigong i-demolish ang kanilang ari-arian na lumabag sa 30-meter easement rule.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), hindi na nagdalawang-isip pa ang Boracay Inter-Agency Task Force (BI-ATF) na pinamumunuan ng kagawaran na gibain ang Boracay Plaza Beach Resort matapos magbigay ng 15 araw na palugit.
Ang naturang resort ay may mga istrukturang nakatayo sa higit-kumulang 1,000 square meters na nakapaloob sa easement zone.
Maliban sa Boracay Plaza, sumunod naman sa ibinigay na palugit ang ibang establismiyento at kusang giniba ang kani-kanilang mga istraktura mat-apos na mabigyan din ng ‘warning’ ng BIATF dahil na rin sa kanilang paglabag.
Ang ibinigay na ultimatum ay binanggit ni Environment Secretary Roy Cimatu sa ginanap na pulong ng task force kamakailan.
“Erring establishments had already been given more than enough time to shape up since the closure,” ani Cimatu.
“It would be unfair to those who voluntarily demolished and complied with the easement rule if we will not enforce the law to those who did not,” dagdag pa niya.
Bukod sa paglabag sa ipinatutupad na ‘easement rule’, napatunayan din na walang kaukulang permiso ang Boracay Plaza para makapag-operate.
Tatlong beses na ring nabigyan ng kautusan ang Boracay Plaza na kusang i-demolish ang establisimiyento ngunit binalewala lamang ito ng may-ari.
Nabatid na una ay noong Abril 26 ng nakalipas na taon nang pansamantalang isara ang Isla ng Boracay ng anim na buwan para sa rehabilitasyon.
Ang ginawang demolisyon ay pinangunahan nina BIATF management group General Manager at DENR Director Natividad Bernardino, kasama sina Aklan provincial police chief Senior Supt. Lope Manlapaz, Malay Acting Mayor Abram Sualog, mga kinatawan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Tourism (DOT), at mga abogado ng DENR.
Iniulat ni Bernardino na siyam na iba pang establisimiyento na nabigyan ng 15-day ultimatum noong March 4 ang kusang nag-demolish ng kanilang istruktura habang ang iba ay nagsisimula na ring gibain nang kusa ang kanilang ari-arian.
Ang naturang siyam na establisimiyento ay ang Blue Lilly Hotel, Calveston International Inc., Exclusive Dawn VIP Boracay Resort, Little Prairie Inn, New Wave Divers, Steve’s Cliff/Boracay Terraces Resort, True Homes, Watercolors Dive Shop at Willy’s Rock Resort. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.