RESPETUHIN ANG RESULTA NG HALALAN

Joe_take

ANG katatapos lamang na halalan ay isa sa mahalaga, kung hindi man ang pinakamahalaga, na kaganapan sa kasaysayan ng bansa.

Sa loob lamang ng ilang buwan ay pormal nang mamumuno ang administrasyong Marcos na aako sa responsibilidad na ibangon ang ating ekonomiya matapos itong lubhang maapektuhan ng pandemyang dulot ng COVID-19.

Sa tulong ng teknolohiya at mabilis na internet connection, hindi naging  matagal ang paghihintay ng mga botante sa resulta sapagkat ilang oras lamang matapos ang halalan ay nabigyan na tayo ng ideyang sina dating Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte na ang magiging bagong presidente at bise presidente ng Pilipinas.

Ngayong taon din itinala ng Commission on Elections (Comelec) ang pinakamataas na bilang ng mga botante matapos itong lumobo sa 67.5 milyon kumpara sa mga nagdaang halalan, pati na ang pinakamabilis na transmisyon ng resulta dahil 98.76 porsiyento ng mga boto ay agad nang nairekord sa mga transparency server ilang oras lamang ang nakalipas matapos ang eleksiyon.

Gayunpaman, marami pa ring mga Pilipino ang hindi matanggap ang pagkapanalo ni BBM dahil hanggang ngayon ay kaliwa’t kanan pa rin ang kanilang mga reklamo at bintang sa social media na may daya umano ang nakalipas na halalan.

Bagama’t agad naman itong pinabulaanan ng Comelec ay hinimok pa rin ni Pangulong Rodrigo Duterte na imbestigahan ang mga alegasyon ng pandaraya upang makumbinse ang mga Pilipinong patuloy na kumukuwestiyon sa proseso ng halalan.

Bakit tila naging sorpresa pa rin ang pagkakapanalo ni BBM kung ang pagkapanalong ito na rin naman ang sinalamin ng lahat ng mga pre-election survey? Kung matatandaan, hindi lamang natin nakita ang kanyang pangalan na palaging nasa tuktok ng mga survey, kundi naging saksi rin tayo sa laki ng lamang niya kay Bise Presidente Leni Robredo.

Maliwanag ang hatol ng mga botante, at naging susi ang 31 milyong Pilipino sa katotohanang si BBM ang pinili ng taumbayan upang mamuno sa bansa. Kailangan nating respetuhin ang desisyong ito.

Ang proseso ng halalan ay itinatag upang magkaroon ang ating bansa ng isang mapayapa, matagumpay, at patas na halalan. Kailangan itong respetuhin at pagkatiwalaan ng mga Pilipino.

Kung mapatunayan mang may dayaan, asahan nating agad naman itong aaksiyunan ng pamahalaan. Maghain ng pormal na reklamo sa halip na sirain ang integridad ng electoral process. Hayaan natin ang mga kinauukualan na gawin ang kanilang mandatong puksain ang anumang anomalya.

Pormal na ring tinanggap nina presidential candidates Senador Panfilo Lacson, Senador Manny Pacquiao, at Manila City Mayor Isko Moreno ang kanilang pagkatalo.

Katulad ni Pangulong Duterte, hinimok din nilang lahat ang mga Pilipino na respetuhin ang boto ng bayan.

Sa bawat eleksiyon, dalawa lamang palagi ang resulta ng bawat kandidatura — ang pagkapanalo at pagkatalo. Kahit sinuman ang ating personal na piniling mamuno ng bansa, dapat nating respetuhin ang demokrasya sa eleksiyon dahil kung hindi, bakit pa natin kailangan ng halalan.