HINIKAYAT ni Senador Sonny Angara ang gobyerno at ang pribadong sektor na magtulong-tulong sa lahat ng hakbang para sa restorasyon ng mga napinsalang lumang simbahan sa Pampanga.
Ito ay matapos salantain ng Magnitude 6.1 na lindol ang lalawigan kamakailan na ikinasira ng mga simbahan na itinuturing na “national treasure.”
Ani Angara, dapat munang isantabi ang kanya-kanyang paniwalang pangrelihiyon sa mga ganitong pagkakataon, sapagkat yaman ng Filipinas ang dapat pahalagahan sa ngayon.
Aniya, ang mga lumang simbahan na ilang siglo nang nakatayo sa iba’t ibang panig ng bansa ay mga pamana ng kasaysayan na dapat pang masi-layan ng mga susunod na henerasyon bilang paalala sa nakalipas na kultura at tradisyon ng bansa.
Samantala, nagpahayag naman kamakailan ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) na pakikiusapan nito ang Malacañang na magpalabas ng pondo o kaya’y ibilang sa 2020 national budget ang alokasyon para sa restorasyon ng Pampanga heritage churches.
Ayon sa mga ulat, 24 heritage churches o mga lumang simbahan sa nasabing lalawigan ang napinsala dulot ng malakas na lindol. Kabilang sa mga ito ang Santa Catalina de Alexandria sa Porac, San Agustin sa Lubao, Metropolitan Cathedral ng San Fernando, Holy Rosary and Archdiocesan Shrine of Christ Our Lord of the Holy Sepulcher sa Angeles City, Saint James the Apostle sa Guagua, Santa Rita de Cascia sa Santa Rita, at ang Santa Monica sa Minalin.
Maging ang National Commission for Culture and the Arts, ayon kay Angara, ay mayroon ding ilalaan na pondo para mga napinsalang istruktura, alinsunod sa isinasaad ng iniakdang batas ni Angara, ang RA 10066 o ang National Cultural Heritage Act.
Kaugnay pa rin nito, nanawagan ang senador sa pribadong sektor na makibahagi sa mas pinabilis na rehabilitasyon at restorasyon ng mga nasirang simbahan.
Ani Angara, ayon sa heritage law, kabahagi rin sa mga insentibo ang mga pribadong sektor dahil sa kanilang solidong pagsuporta sa pangangalaga at restorasyon ng national cultural treasures, base sa isinasaad ng Conservation Incentive Program ng NCAA. VICKY CERVALES
Comments are closed.