RETAIL DOLLAR BOND PARA SA OFWS TARGET NG PAMAHALAAN

TINITINGNAN ng gobyerno ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ang isa pang dollar-denominated issuance bunsod ng matagumpay na unang global band offer nitong nakaraang linggo, ayon kay Finance Secretary Benjamin Diokno.

Nakikita ni Secretary Diokno na magpapatuloy sa paglago ang ekonomiya ng bansa, lalo pa kung mapapaigi ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) ang pangongolekta ng buwis hanggang sa makamit ng mga ito ang iniatang sa kanilang tax collections goal bago matapos ang taong 2022.

Plano ng gobyerno na makalikom ng karagdagang pondo sa pamamagitan ng pag-iisyu ng retail dollar Bonds (RDBs) ) sa mga lokal na mamumuhunan, partikukar sa hanay ng overseas Filipino workers (OFW’s).

“Plano naming mag-isyu ng retail dollar bond sa pagkakataong ito o baka bago matapos ang taong ito, pero hindi pa namin alam kung magkano, ngunit magiging bago ang bagay na ito sa kapakanan ng ating mga OFW,” ani Diokno.

Kung sakali, ito ang kauna-unahang pagpapalabas ng retail dollar bond para sa administrasyong Marcos at pangalawa naman para sa bansa pagkatapos ng pag-iisyu ng ganitong sistema noong nakaraang taon sa ilalim ng administrasyon ni former President Rodrigo Duterte.

Aminado, gayunman, ang BIR at BOC na patuloy na bumababa ang tax collections ng dalawang ahensiya at ang pangunahing dahilan sa Kawanihan ng Rentas ay ang umiiral na suspension ng tax audit investigation, habang sa Aduana ay ang hindi masawatang smuggling activities.

Nagawa ng gobyerno na makalikom ng US$866.2 milyon mula sa orihinal nitong programa na US$400 milyon para sa limang taon at 10 taong RDB. Para sa mga OFW, paliwanag ni Dioko, ito ay napakadali, halimbawa, sa US100 dollar ay makakabili ka na ng RDBs gamit ang kanilang e-wallet.

Ang mga RDB ay bahagi ng programa ng pamahalaan upang gawing available ang mga seguridad ng gobyerno sa mga retail investors, laluna sa mga indibidwal.

Target nito na paunlarin ang domestic capital market sa pamamagitan ng pagbibigay ng low-risk investment na may mas mapagkumpitensiyang ani kaysa sa mga term deposit na tinatawag.

Sinabi ng source na kung naagapan lamang ni BIR Commissioner Lilia Guillermo na agad i-lift ang suspension order ni former BIR Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay bago ito bumaba sa puwesto ay hind marahil daranasin ng Kawanihan ang shortfall sa tax collections.

Ang suspension ng tax audit investigation ay ginawa ni Dulay matapos makatanggap ng report na may mga opisyal ng BIR na sinasamantala ang pag-iisyu ng Letter of Authority (LOA) laban sa taxpayers, hindi upang makakolekta ng buwis, kundi para sa pansariuling kapakanan.

Ang sinasabing issuance ng LOAs, ayon sa source, ay ginamit lamang ng ilang abusadong opisyal ng BIR bilang umano’y ‘pabaon’ sa sandaling ang mga ito ay masibak o mapalitan sa puwesto.

Ikinagalit umano ito ni Dulay kaya sinuspinde niya ang tax audit investigation, subalit hindi agad ito na-lift na naging ugat kung bakit marami sa mga regional at district levels ang dumanas ng pagbagsak ng tax collections – partikular ang Large Taxpayers Service (LTS) na siyang nag-iimbestiga sa 1st 5,000 bigtime corporations.

Sa kabila nito, ilan pa rin sa mga naka-survive na bahagyang naitaas ang tax collections sa sarili nilang pagsisikap at pagsasagawa ng malawakang tax information drive ay sina South NCR BIR Regional Director Jethro Sabariaga, Manila BIR Regional Director Albino Galanza, Caloocan City BIR Regional Director Gerry Dumayas, Makati City BIR Regional Director Dante Aninag, East NCR BIR Regional Director Edgar Tolentino at QueZON City BIR Regional Director Bobby Mailig.

Nakikita ng mga economic manager ni Pangulong Marcos na kung mas hihigpitan pa ng BOC ang paglaban sa hijacking at smuggling ay magpapatuloy ang pagtaas ng koleksiyon sa Aduana at masawata ang korupsiyon sa nasabing tanggapan.

Tanging ang dalawang collection agencies (BIR-BOC) ang inaasahan ng gobyerno na makareresolba sa mga gastusin para tustusan ang mga makabuluhang proyekto ng gobyerno.

Aminado ang mga economic manager ni Pangulong Marcos na kailangan ang totohanang paglilinis sa BIR at BOC dahil sa hindi masugpong corruption sa nabanggit na mga tanggapan.

(Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa 09266481092 o mag-email sa drerickcba­[email protected].)