RETIRADONG ABOGADONG PULIS PATAY SA PAMAMARIL

pinagbabaril

BINARIL at napatay  ang isang abogado na isa ring retired police colonel ng hindi pa kilalang salarin sa labas ng kaniyang bahay kahapon ng madaling araw sa Muntinlupa City.

Ang biktima ay nakilalang si Jesus Acpal, 68-anyos, nakatira sa Block 46, Lot 46, Arellano St., Barangay Poblacion, Katarungan Village, Muntinlupa City.

Dead on the spot si Acpal matapos na ito ay magtamo ng ilang tama ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa report na nakara­ting sa tanggapan ng Southern Police District (SPD), naganap ang insidente dakong ala-1:05 ng madaling araw sa panulukan ng Arellano at Fernandez St., Kataru­ngan Village, Muntinlupa City.

Sa pahayag ng pulisya, kararating lamang ng biktima kasama ang anak nitong lalaki sa kanilang bahay mula sa panonood ng sine at sakay ang mga ito ng kulay itim na Toyota Fortuner na may plakang ZLP-438.

Habang binubuksan ng biktima ang gate ng kanilang bahay ay biglang dumating ang mga suspek na armado ng baril na hindi malaman kung saan nanggaling ang mga ito.

Agad na pinagbabaril ng mga suspek ang biktima na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan at mabilis na tumakas na naglalakad lamang.

Ayon sa isang anak ng biktima na si Camille matapos niyang marinig ang sunod-sunod na putok ng baril ay agad siyang lumabas ng kanilang bahay at nakita na lang niyang nakabulagta ang tatay sa tapat ng kanilang gate.

Narekober sa crime scene ang 11 basyo ng bala mula sa .45 caliber pistol.

Ayon pa rin kay Camille wala siyang alam na may kaaway ang kaniyang tatay dahil wala ito umanong nabanggit sa kanila tungkol sa banta sa buhay at pri­bado ang mga hinawakang kaso nito. MARIVIC FERNANDEZ