RIDER NAPURUHAN SA CONCRETE MIXER TRUCK

MOTORCYCLE ACCIDENT

MAKATI CITY – ISANG 25-anyos na lalaki ang namatay samantalang sugatan naman ang ang­kas nitong babae makaraang salpukin ang sinasakyan nilang motorsiklo ng isang concrete mixer truck kamakalawa ng gabi sa lungsod na ito.

Agad na namatay sa lugar ng pinangyarihan matapos magulungan ng truck ang biktima na kinilalang si Robb Ian Membrere, 25, emple­yado, resi-dente ng 200 Gen. Mariano Alvarez (GMA), Cavite.

Mabilis namang dinala sa Saint Luke’s Hospital, Bonifacio Global City (BGC) upang malapatan ng lunas ang mga sugat na tinamo sa kanyang ka-tawan ang angkas na babae na si Renalyn Alivar Jaravilla, 26, dalaga, kawani, naninirahan sa 738 Rodriguez St., Zone 18, Malibay, Pasay City.

Sumuko naman sa awtoridad at nasa kustodiya na ngayon ng Makati City police Traffic Bureau ang driver ng truck na si Andy Cordero, 41, resi-dente ng 10-B Sampaguita St., Brgy. Western Bicutan, Taguig City.

Base sa ulat na natanggap ng Makati City chief of police na si Police Colonel Rogelio Simon, nangyari ang insidente dakong alas-8:00 kamakalawa ng gabi sa northbound lane ng EDSA Service Road at Lapu-Lapu St., Brgy. Magallanes, Makti City.

Makikita sa nahagip ng cctv camera sa lugar na pagewang-gewang ang takbo ng motorsiklo na minamaneho ni Membrere habang angkas nito si Jaravilla hanggang sa sumingit ito sa isang concrete mixer truck na may plakang URI-548 na minamaneho ni Cordero.

Hindi namalayan ni Cordero ang pagsingit ng biktima kung kaya’t nasagasaan niya ang mga ito kung saan nagulungan ng kanang gulong ng truck si Membrere habang tumilapon naman ang angkas nitong si Jaravilla.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide at damage to property si Cordero na sumailalim na sa inquest proceeding sa Makati Prosecutor’s office. MARIVIC FERNANDEZ

 

Comments are closed.