ILANG araw na lamang, maririnig na natin ang kauna-unahang Ulat sa Bayan o State of the Nation Address (SONA) ng ating bagong Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. At umaasa tayo na marinig ang mga prayoridad na programa sa ilalim ng kanyang administrasyon tulad ng mas pagpapaigting sa serbisyo ng gobyerno sa mamamayan, lalo na sa mga usaping pangkalusugan, edukasyon at trabaho.
Iyan din kasing mga ‘yan, ang siguradong gustong marinig ng ating mga kababayan mula sa Pangulo.
At nabanggit na rin lang natin ang trabaho, nais lang sana nating magbigay ng kaunting pananaw ukol sa sinasabing ‘rightsizing’ sa gobyerno.
Sa totoo lang, sa kasalukuyan, umaapaw ang government agencies dahil sa redundant offices o yaong mga tanggapang halos magkakapareho naman ang ginagawa.
Sabi nga natin, maaari nang pasimulan ng administrasyong Marcos ang ‘rightsizing’ sa lalong madaling panahon at puwede nila itong simulan sa mga government-owned and-controlled corporations or GOCCs.
Matatandaan natin na sa mga nagdaang panahon, mayroon nang 12 GOCCs ang na-abolish dahil sa kawalan ng kita; siyam na GOCCs naman ang ipinasara dahil sa overlapping functions nito o ang tila pagkakapareho lang naman ng operasyon.
Bagaman wala pang batas na mag-aatas sa rightsizing, may kaukulang kapangyarihan ang Ehekutibo na mag-reorganize ng GOCCs, base sa isinasaad ng Governance Act of 2011 na iniakda ni dating Senador Franklin Drilon
Ayon sa naturang batas, maaaring umaksiyon ang Pangulo sa reorganization, merging o pagbaklas sa GOCCs na ibabase niya sa rekomendasyon ng Governance Commission for GOCCs or CGC.
At dahil sa pagsambulat ng ‘rightsizing’ of government agencies na ‘yan, marami ang nadismaya dahil bakit daw kailangang magbawas ng mga manggagawa sa gobyerno gayong nasa krisis ang bansa.
Sa totoo lang, hindi naman ito direktang nangangahulugan ng sibakan sa gobyerno pero madalas, ganyan din ang katuluyan.
Puwede nating sabihin na dahil sa politika, minsan nagdodoble-doble ang mga tanggapan sa pamahalaan na nagiging dahilan para maging bloated ang government agencies.
Kung ito ang sa tingin ng gobyerno ay hindi magiging balakid sa pag-abante ng kabuhayan at tiyak na makatutulong, gawin nila ang mga nararapat na hakbang.