NAGKAROON ng biglaang rigodon sa Committee Chairmanship sa Kamara kasunod ng napaulat na isyu ng kudeta sa Speakership.
Ito ay makaraang magmosyon si Senior Deputy Majority Leader at Cavite Rep. Jesus Crispin Remulla na si ACT-CIS Rep. Eric Yap na ang Appropriations Chairman kapalit ni Davao City Rep. Isidro Ungab.
Pinalitan naman ni Kabayan Rep. Ron Salo bilang head contingent ng House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) si Oriental Mindoro Rep. Doy Leachon.
Samantala, ang iniwan namang chairmanship ni Yap sa Committee on Games and Amusement ay ibinigay na kay Abra Rep. Joseph Bernos.
Matatandaang si Leachon na panig kay Speaker-in-waiting Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ang humamon sa kampo ni House Speaker Alan Peter Cayetano na pangalanan ang 20 kongresista na inalok umano ng puwesto at budget ni Velasco.
Si Ungab naman ang itinuturong nag-report kay Pangulong Duterte at sa Department of Budget and Management (DBM) ng bilyong pisong parking funds sa 2020 para sa mga mambabatas na malapit naman kay Cayetano dahilan kaya hinarang ang proyekto ng mga distrito.
Kasabay nito, inaabangan ang napabalitang idedeklara na bakante ang posisyon ng Speaker at mga Committee Chairmen. CONDE BATAC
Comments are closed.