RIOT SA BILIBID: 9 PATAY, 7 SUGATAN

New Bilibid Prison

SIYAM ang patay at pito ang nasa malubhang kalagayan sa naganap na riot sa loob sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City kahapon ng madaling araw.

Kinumpirma ni Bureau of Corrections (BuCor) Public Information Office (PIO) Chief Col.Gabby Chaclag na ang nangyaring riot ay kin-abibilangan ng mga mi­yembro ng Sputnik gang at Commando gang.

Nabatid na anim sa mga namatay ay miyembro ng Sputnik habang ang tatlo naman ay mi­yembro ng Commando na nagtamo ng mga saksak sa ibat-ibang parte na katawan na siyang na­ging dahilan ng agarang pagkamatay ng mga ito.

Samantala, ang mga nasugatan ay kasaluku­yang  nilalapatan ng lunas sa NBP Hospital.

Lumitaw sa pagsisiyasat, na naganap ang naturang insidente dakong ala-1 ng mada­ling araw na kung saan ay tumagal ng dalawang oras ang sagupaan sa pagitan ng dalawang nabanggit na grupo na sa East Quadrant  ng maximum security compound ng NBP.

Tiniyak naman ni Chaclag na isusumite ng pamunuan ng BuCor  ang incident report  kay Justice Secretary Menardo Guevarra sa lalong madaling panahon.

Hanggang sa kasalukuyan, ayaw pang ibigay ang mga pangalan ng mga nasawi at nasugatan na naganap na riot at lumilitaw na ang dahilan ng sagupaan ay old grudge o matagal ng alitan ng magkabilang grupo. EVELYN GARCIA

Comments are closed.