Laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
7 p.m. – NLEX vs Alaska
ALASKA o NLEX?
Malalaman ngayon kung sino sa dalawang koponan ang makakakuha ng ika-8 at huling quarterfinal slot sa PBA Philippine Cup sa kanilang ‘do-or-die’ game sa alas-7 ng gabi sa Mall of Asia Arena.
Nabuhay ang quarterfinal campaign ng Aces makaraang matalo ang Road Warriors sa Magnolia Hotshots, 74-102, noong Miyerkoles sa Araneta Coliseum.
Sa panalo ay nasungkit ng Hotshots ang ika-6 na quarterfinal berth sa 6-5 kartada at umabante ang Batang Pier sa susunod na round matapos na talunin ang early qualifier Barangay Ginebra sa 5-6 marka.
Bukod sa Kings, Hotshots at Batang Pier, pasok na rin sa quarterfinals ang league-leading Phoenix, Rain or Shine, Talk ‘N Text, at defending champion San Miguel Beer.
Bilang top two teams, ang Fuel Masters at Elasto Painters ay may twice-to-beat advantage at kailangan lamang manalo ng isang beses upang umusad sa semis.
Tabla ang NLEX, Alaska at Columbian Dyip sa 4-7 marka subalit nalaglag ang Car Makers dahil sa inferior quotient at naiwan ang Aces at Road Warriors na maglalaban para sa huling quarterfinal slot.
Parehas ang lakas ng Alaska at NLEX, subalit nakalalamang ang Aces sa championship experience na tiyak na gagamitin ni coach Alex Compton para biguin si coach Yeng Guiao.
Muling sasandal si Compton sa kanyang top gunners na sina Chris Banchero, Simon Enciso, Jeron Teng, Chris Exciminiano, Kevin Racal, Davon Potts, Jesper Ayaay, at Carl Bryan Cruz.
Itatapat naman ni coach Guiao sina Kevin Alas, Larry Fonacier, Philip Paniamogan, Kenneth Ighalo, Abu Tratter, JR Quinahan at Mark Tallo. CLYDE MARIANO
Comments are closed.