ROAD WARRIORS DINUNGISAN NG FUEL MASTERS

Mga laro ngayon:

Araneta Coliseum

4 p.m. – Terrafirma vs San Miguel

6:45 p.m. – TNT vs Rain or Shine

NALUSUTAN ng Phoenix Super LPG Fuel Masters ang pagkawala ni import Paul Harris upang gulantangin ang NLEX Road Warriors, 102-93, sa Araw ng Pasko sa Araneta Coliseum.

Naglaro si Harris sa loob lamang ng dalawang minuto at 38 segundo dahil sa muscle spasms sa kanyang hamstring, at lumabas na may dalawang puntos, isang rebound, at isang assist, may 9:22 ang nalalabi sa first quarter.

Subalit nakakuha ang Fuel Masters ng sapat na suporta mula sa kanilang local stars, sa pangunguna ni Justin Chua na nasa kanyang pinakamagandang laro sa 2021 PBA Governors’ Cup at ni skipper Matthew Wright.

Tumapos si Wright na may 23 points at 9 rebounds habang nagdagdag si Chua ng 19 points at 6 rebounds.

Pinutol ng Fuel Masters ang two-game slide upang umangat sa 3-2, at ipinalasap sa Road Warriors ang kanilang unang kabiguan matapos ang 4-0 simula sa conference.

“These guys are really motivated, especially our leaders,” wika ni Phoenix coach Topex Robinson, na natanggap ang pinakamagandang regalo sa kanyang ika-46 kaarawan.

“Matt there, as bad as we played our last two games, he just said we just have to keep on playing, that it’s either we go all the way with three losses or we stop the streak of NLEX,” ssbi ni Robinson.

“We just made sure that after this game we’ll be the tiredest team. It means na we’ll be giving everything out – kung anuman meron kami, the fight in us.”

Naitala ni Calvin Oftana ang 13 sa kanyang team-high 18 points sa fourth period upang paulit-ulit na makadikit ang Road Warriors subalit hindi nagtagumpay.

Nanguna rin si Oftana para sa NLEX na may 11 rebounds at nagdagdag si KJ McDaniels ng 12 points at 10 rebounds. Gayunman, ang kanyang puntos ay mas mababa ng 21 sa kanyang league-best average. CLYDE MARIANO

Iskor:

Phoenix (102) – Wright 23, Chua 19, Banchero 17, Melecio 12, Perkins 10, Jazul 8, Demusis 4, Manganti 2, Harris 2, Garcia 2, Rios 2, Camacho 1, Muyang 0.

NLEX (93) – Oftana 18, Trollano 16, McDaniels 12, Alas 11, Varilla 10, Paniamogan 8, Rosales 8, Quinahan 6, Cruz 4, Semerad 0.

QS:  26-18, 49-43, 72-67, 102-93