ROAD WARRIORS HUMARUROT

NLEX-VS-NORTH PORT

Mga laro sa Miyerkoles:

(Araneta Coliseum)

4:30 p.m. – Phoenix vs Columbian

7 p.m. –  NLEX vs Magnolia

NAIPOSTE ng NLEX ang ikalawang sunod na panalo nang pataubin ang North Port, 123-107, sa PBA Governors’ Cup kagabi sa Ynares Center sa Antipolo.

Maagang kinuha ng Road Warriors ang liderato na may 2-0 kartada habang pinalasap sa Batang Pier ang kabiguan sa kanilang unang laro.

Naitakas ng NLEX ang panalo sa kabila na may iniindang injury ang kanilang import na si Olu Ashaolu,  at sa pagkawala nina head coach Yeng Guiao at veteran center Asi Taulava, kapwa nasa national team na sumasabak sa Asian Games sa Indonesia, gayundin nina Kiefer Ravena at Kevin Alas.

Kumana si Ashaolu ng 27 points at 13 rebounds, habang nagbigay sina Larry Fonacier, Mark Tallo at JR Quinahan ng double-digit outputs. Sina Fonacier at Tallo ay tumipa ng tig-14 points, habang may 12 si Quinahan.

Habang ang locals ng NLEX ay may malaking naiambag, hindi ganito ang nangyari sa koponan na dating kilala bilang GlobalPort.

Nalusutan ni Rashad Woods ang masamang simula upang magtapos na may 42 points, 12 rebounds at 8 assists sa kanyang league debut, subalit tanging si Mo Tautuaa ang nakatulong niya sa pagtipa ng double-double na 20 points at 12 boards.

Gumawa sina Paolo Taha at Jonathan Grey ng tig-13 points subalit hindi nila napigilan ang NLEX sa pagtarak ng 121-102 bentahe, may 2:16 sa orasan.

Malaking tulong sana sina Stanley Pringle at Sean Anthony, subalit si Pringle ay nasa national team din sa Indonesia habang si  Anthony ay nagpapagaling sa calf muscle injury.

Nakadagdag pa sa alalahanin ni coach Pido Jarencio ang injuries na natamo nina Nico Elorde (back) at Jeric Teng (right calf) sa kasagsagan ng laro.

NLEX (123)  – Ashaolu 27, Fonacier 14, Tallo 14, Quinahan 12, Ighalo 11, Mallari 10, Tiongson 10, Baguio 8, Paniamogan 5, Marcelo 4, Miranda 4, Galanza 4.

NorthPort (107) – Woods 42, Tautuaa 20, Taha 15, Grey 13, Javelona 8, Teng 5, Guinto 3, Elorde 1, Espinas 0, Gabayni 0.

QS: 34-19, 61-58, 94-78, 123-107.

Comments are closed.