Mga laro sa Sabado:
(Cagayan de Oro City)
5 p.m.- Phoenix vs Ginebra
BIGO ang Blackwater na mapanatili ang kanilang malinis na record makaraang yumuko sa NLEX, 106-124, sa PBA Governors’ Cup kagabi sa Araneta Coliseum.
Sa pagkatalo ng Elite ay umakyat ang Phoenix sa ibabaw ng team standings na may 5-1 kartada habang bumaba ang Elite sa ikalawang puwesto kasosyo ang reigning Commissioner’s Cup champion Barangay Ginebra sa 4-1, kabuntot ang nagpapahingang Alaska 3-1.
Hindi tulad sa una nilang apat na sunod na panalo, hindi makahabol ang Elite sa sobrang tulin na Road Warriors ni coach Yeng Guiao.
Sinelyuhan ng tres ni import Aaron Fuller sa huling segundo ang panalo ng Road Warriors at ipinoste ang ika-4 na panalo sa anim na laro, habang nalasap ng Elite ang unang kabiguan sa limang laro.
Sa kabila na wala si ace gunner Kiefer Ravena dahil sa suspensiyon ng Fiba ay dinomina ng Road Warriors ang laro at hindi pinaporma ang Elite sa lungkot nina coach Bong Ramos at team owner Dioseldo Sy.
Determinadong manalo at iwaksi ang masaklap na pagkatalo sa San Miguel Beer, 112-125, noong nakaraang Set. 1, maagang umarangkada ang Road Warriors, 24-19 at 55-45, sa unang dalawang yugto.
Hindi pa nakontento ay pinalobo ng NLEX ang kalamangan sa 80-61 sa kalagitnaan ng third period sa maiinit na mga kamay nina Fuller, Kenneth Ighalo at Larry Fonacier.
“It was a team effort. They really wanted to win and they got it,” sabi ni coach Guiao. CLYDE MARIANO
Iskor:
NLEX (124) – Fonacier 24, Fuller 24, Ighalo 18, Miranda 9, Paniamogan 9, Galanza 8, Quinahan 8, Tiongson 6, Baguio 6, Soyud 4, Rios 4, Monfort 3, Taulava 1, Tallo 0.
Blackwater (106) – Sumang 24, Walker 16, Zamar 16, Pinto 15, Al-Hussaini 7, Sena 6, Jose 6, Maliksi 5, Digregorio 5, Belo 4, Palma 2, Javier 0.
QS: 24-19, 55-45, 90-75, 124-106.