ROAD WARRIORS, TROPANG GIGA MAGKAKASUBUKAN

Mga laro ngayon:

Smart Araneta Coliseum

3 p.m. – Magnolia vs Terrafirma

6 p.m.- NLEX vs TNT

KASABAY ng pagbabalik ng fans, sisimulan ng TNT Tropang Giga ang kanilang kampanya para sa double championship sa PBA Season 46 sa pagsagupa sa kanilang dating import KJ McDaniels at sa bagong koponan nito na NLEX Road Warriors ngayong Miyerkoles.

Magsasalpukan ang Tropang Giga at Road Warriors sa main game sa alas-6 ng gabi sa pinakaaabangang pagbabalik ng liga sa Smart Araneta Coliseum.

Mula sa kanilang matagumpay na title run sa Philippine Cup, ang Tropang Giga ay magbabalik sa aksiyon na may pinalakas na lineup sa pagkuha  kina Carl Bryan Cruz at Gab Banal.

Nariyan din si import McKenzie Moore para trangkuhan ang frontcourt ng koponan.

Sina Banal at Cruz ay wing guys na maaaring magpalakas pa sa firepower ng koponan.

Si Cruz, kinuha ng TNT kapalit ni Jay Washington, ay nakapaglaro na sa ilalim ni coach Chot Reyes sa Gilas Pilipinas. Samantala, si Banal ay nagmula sa free agent pool. Ang 6-foot-3 former national youth ay may average na 8.7 points, 3.5 rebounds at 1.2 assists per game sa Alaska Milk sa nakalipas na All-Filipino tourney.

“We got the league-leader in three-point field goal percentage for nothing,” sabi ni Reyes makaraang kunin si Banal. “Another addition to our Kurimaws.”

Pinatutungkulan ni Reyes ang grupo ng free agents, na binigyang buhay ng TNT at gumanap ng mahalagang papel sa Philippine Cup title romp ng koponan. Sila ay sina Dave Marcelo, Glenn Khobuntin, Chris Exciminiano at  Brian Heruela.

Magbabalik sila sa aksiyon kasama sina TNT core players Jayson Castro, Poy Erram, Troy Rosario, RR Pogoy, Kelly Williams, Ryan Reyes at super rookie Michael Williams.

Gayunman ay maaga silang masusubukan sa pagharap sa early tournament frontrunner NLEX.

Sa pangunguna ni McDaniels, sinimulan ng Road Warriors ang torneo sa pamamagitan ng back-to-back wins kontra San Miguel Beermen (114-102) at NorthPort Batang Pier (120-115 sa overtime).

Naniniwala si NLEX coach Yeng Guiao na may ilalabas pa sinMcDaniels at ang koponan.

“That is going to come with more games, that is going to come with more practices,” sabi ni Guiao. CLYDE MARIANO