ANG lumalawak na paggamit ng artificial intelligence (AI) at hindi ang bagong tax measures ang tunay na banta sa business process outsourcing (BPO) sector ng bansa, ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez III.
“The development of AI around the world is very rapid and it is going to certainly hit our BPO industry. And I think we must accept that,” wika ni Dominguez.
Aniya, ipinaliwanag na niya ito dati pa sa BPO stakeholders.
“I don’t know how they are preparing for this inevitable hit in the industry,” anang DOF chief.
Isinusulong ng Department of Finance (DOF) ang reporma sa mga insentibo na ipinagkakaloob sa mga negosyo sa layuning mapataas ang revenues upang tustusan ang massive infrastructure program ng pamahalaan.
Plano ng administrasyong Duterte na mag-invest ng hindi bababa sa P8 trillion sa ‘Build Build Build’ program nito.
Sinabi ni Dominguez na nais ng pamahalaan na ang ipinagkaloob na insentibo sa mga investor ay makatugon sa apat na standards – targeted, time-bound, transparent, at magbibigay ng malaking kapakinabangan sa mga tao.
Nilinaw rin niya na ang planong pag-rationalize sa mga insentibo ay hindi agad mag-aalis sa anumang insentibo.
Paliwanag pa ng finance chief, ang pamahalaan ay walang contractual obligation na magbigay ng anumang insentibo sa kahit kanino.
“That is a privilege and that is the sovereign right of the government to change its tax incentives when (the) tax system no longer works. There is no contracting obligation,” dagdag pa ni Dominguez. PNA
Comments are closed.