HOUSTON – Nagbuhos si James Harden ng 37 points upang tulungan ang Houston Rockets na putulin ang four-game skid sa pamamagitan ng 117-111 panalo laban sa Minnesota Timberwolves noong Martes ng gabi.
Naghabol ang Rockets sa kaagahan ng laro, subalit nag-init sa third quarter upang kunin ang kalamangan tungo sa panalo. Lubhang mahalaga ang panalo para sa koponan, na tinawag ang blowout loss sa Orlando noong Linggo ng gabi na ‘rock bottom’.
Ang kanilang losing streak, na napantayan ang season-high, ay dumating makaraang manalo sila ng anim na sunod at naghulog sa kanila sa ika-6 na puwesto sa Western Conference.
Nangako si Harden na babawi at nagawa nila ito laban sa Timberwolves, salamat sa kanyang magandang nilaro at sa isa pang solid game mula kay Russell Westbrook, na tumapos na may 27 points.
Tumipa si D’Angelo Russell ng 28 points upang pangunahan ang Timberwolves, na nalasap ang ikatlong sunod na kabiguan.
NETS 104, LAKERS 102
Kumamada si Spencer Dinwiddie ng 23 points at naipasok ang tiebreaking jumper, may 28.3 segundo sa orasan, upang pangunahan ang Brooklyn Nets laban sa Los Angeles Lakers noong Martes ng gabi para sa kanilang ikalawang sunod na panalo magmula nang mag-take over si interim coach Jacque Vaughn.
Sumablay si Anthony Davis sa isang wide-open 3-pointer sa buzzer na nagbigay sana ng panalo sa Lakers, na naputol ang four-game winning streak.
Nagdagdag si Caris LeVert ng 22 points sa pagsisimula ng Brooklyn sa kanilang four-game California road trip.
Kumabig si LeBron James ng 29 points, 12 rebounds at 9 assists para sa Lakers.
Naitala ni Davis ang 20 sa kanyang 26 points sa second half, at naipasok niya ang tying 3-pointer, may 42.6 segundo ang nalalabi, sa pasa ni James. Subalit makaraang magmintis si Davis sa potential winning 3 matapos ang isa pang pasa mula kay James, nabigo ang Lakers sa home sa unang pagka-kataon magmula noong Feb. 6.
BLAZERS 121, SUNS 105
Tumirada si Damian Lillard ng 25 points nang maiposte ng Portland Trail Blazers ang krusyal na panalo laban sa Phoenix Suns.
Ang panalo ay pumutol sa two-game losing streak ng Blazers, na kabilang sa mga koponan na nagtatangkang maunahan ang Memphis para sa eighth playoff spot sa West.
Tumipa sina Trevor Ariza at CJ McCollum ng tig-22 points at nagdagdag si Hassan Whiteside ng 16 points at 14 rebounds para sa Portland.
Ang pagkatalo ay pumutol sa two-game winning streak ng Suns, na pinangunahan ni Devin Booker na may 29 points. Nagdagdag si Dario Saric ng 22 points at 11 rebounds.
Sa ikatlong sunod na pagkakataon ay hindi nakapaglaro si Cameron Johnson para sa Suns dahil sa mononucleosis.
Sa iba pang laro ay dinispatsa ng Spurs ang Mavericks, 119-109; sinuwag ng Bulls ang Cavaliers, 108-103; at ginapi ng Magic ang Grizzlies, 120-115.