ROCKETS BINOMBA ANG CELTICS

rockets vs celtics

NAGPASABOG si James Harden ng 42 points, kumana si Russell Westbrook ng 36 at pinutol ng Houston Rockets ang seven-game win streak ng Boston Celtics sa pamamagitan ng 116-105 panalo noong Martes ng gabi.

Lumayo ang Houston sa pamamagitan ng 15-2 na naglagay sa talaan sa 116-98, may da­lawang minuto sa orasan. Gumawa si Harden ng 6 points sa nasabing  decisive stretch, at umiskor si Danuel House ng lima.

Kumalawit si Harden ng 8 rebounds at 7 assists at tumapos si Westbrook na may 10 rebounds at 5 assists.

Nakalikom si Gordon Hayward ng 20 points sa unang talo ng Boston magmula noong Enero 26. Umiskor si Jaylen Brown ng 19, at nagtala si Jayson Tatum ng 15 sa 5-for-15 shooting.

SPURS 114,

THUNDER 106

Tumipa si LaMarcus Aldridge ng 25 points at 14 rebounds, at pinutol ng San Antonio Spurs ang five-game slide nang patahimikin ang Oklahoma City Thunder noong Martes ng gabi.

Umiskor din si Dejounte Murray ng 25 points para sa San Antonio, na nalasap ang ika-8 kabiguan sa 10 overall. Nagdagdag si Patty Mills ng 20 points, gayundin si fellow reserve Derrick White ng 17.

Sa pangunguna nina Aldridge at Murray, naipasok ng Spurs ang 25 sa 27 foul shots. Nagtala si Aldridge ng 7 for 8, habang si Murray ay may perfect 6 for 6.

Nalasap ng Oklahoma City ang ikalawang sunod na pagkatalo makaraan ang siyam na sunod na panalo sa 10 games. Tumabo si Chris Paul ng  31 points para sa  Thunder, at nag-ambag si Shai Gilgeous-Alexander ng 17.

Naglaro ang San Antonio na wala si leading scorer DeMar DeRozan, na na-sideline dahil sa back spasms.

PELICANS 138, BLAZERS 117

Kumamada si Zion Williamson ng season-high 31 points, at nado­minahan ng New Orleans Pelicans ang second half upang igupo ang  Portland Trail Blazers.

Naglaro ng 28 minuto sa kanyang ika-9 pa lamang na NBA game, ginamit ni  Williamson ang kanyang 6-foot-6, 285-pound frame, quick feet at explosive vertical upang gibain ang bawat defender ng Portland na nagtangkang pigilan siya.

Umiskor si JJ Redick ng 20 at nagposte si Josh Hart ng 17 points para sa  New Orleans, na nag­habol ng hanggang 16 sa first quarter bago na-kontrol ang laro tungo sa ikatlong sunod na panalo. Nag-ambag si  Jrue Holiday ng 16 points at 10 assists, habang nagsalansan si Lonzo Ball ng 10 points at 10 assists.

Kumabig si Portland star Damian Lillard ng  20 points — wala pa sa kalahati ng kanyang 42-point average sa kanyang huling 10 games.

76ERS 110,

CLIPPERS 103

Tumapos si Ben Simmons na may 26 points, 12 rebounds at 10 assists upang pangunahan ang Philadelphia 76ers sa paggapi sa Los Angeles Clippers.

Gumawa rin si Joel Embiid ng 26 points at nagdagdag si Tobias Harris ng 17 points at 12 boards para sa Philadelphia, na may best home record sa NBA sa 25-2.  Naitala ni Josh Richardson ang 17 sa kanyang  21 points sa fourth quarter.

Nanguna si Kawhi Leonard para sa Los Angeles na may 30 points, at tumirada si reserve Landry Shamet ng 19 laban sa kanyang dating koponan.

Comments are closed.